Baril nakumpiska sa 4 na holdup suspect sa QC

81 Views

TIMBOG ang apat na holdaper at nakumpiskahan ng mga baril sa ikinasang hot pursuit operation ng Quezon City Police District (QCPD) ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ni QCPD acting district director, P/Col. Melecio Buslig, Jr, ang mga nadakip na sina Albert Etang, 28; Jaypee Ocampo, 34, kapwa residente ng Brgy. Gulod, Quezon City; Jhon Christopher Ramirez, 32, ng Brgy. Bag Bag, Novaliches, Quezon City, at Justin Mendoza, 26, residente ng Brgy. Pembo, Quezon City.

Sa report kay Kamuning Police Station (PS 10) chief, P/Lt. Col. June Paolo Abrazado, noong Biyernes (October 11), bandang 11:30 ng gabi, hinoldap umano ng mga suspek ang kostumer ng Kumo Kuro Restaurant na matatagpuan sa E. Rodriguez Sr. Ave., Brgy. Immaculate Conception, sa lungsod.

Nang matanggap ang report ng robbery, agad na nagkasa ang mga operatiba ng PS 10 ng hot pursuit operation sa pakikipag-ugnayan sa District Special Operations Unit (DSOU) at Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU).

Sa pagsusuri sa CCTV footage, na nakilala ang mga suspek na nagresulta sa pagkakadakip ng mga ito.

Napag-alaman na ang suspek na si Ramirez ay may outstanding warrant for Attempted Robbery, na inisyu ng Branch 81 ng Municipal Trial Court (MTC) sa Valenzuela City.

Nakumpiska kay Ramirez ang .45 caliber pistol (US Army Government Model M1911A1) na may pitong live ammunition, isang iPhone 13 Promax, at isang Honda Click motorcycle.

Nakuha rin mula sa suspek na si Ocampo ang .38 caliber revolver at anim na live ammunition, habang nakuha mula sa kina Etang at Mendoza ang dalawang helmet at isang PCX motorcycle.

Inihahanda na ang robbery at paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa Quezon City Prosecutor’s office.