Paduano Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano

BARMM execs di pa rin dumalo sa imbestigasyon ng Kamara

15 Views

HINDI dumalo ang mga matataas na opisyal ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa pagdinig ng House committee on public accounts noong Lunes kaugnay ng kinukuwestyong pamimigay ng P6.4 bilyong pondo sa mga paboritong barangay.

Bilang tugon sa tanong ni Basilan Rep. Mujiv Hataman, sinabi ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano, chairman ng komite, na sumulat ang mga opisyal ng BARMM sa panel upang ipaalam ang kanilang hindi pagdalo “dahil sa kasalukuyang Ramadan (kung kailan nag-aayuno ang mga Muslim).”

“I think it’s a valid reason,” sabi ni Paduano.

Gayunpaman, kinilala niya na may ilang Muslim na alkalde, opisyal at mambabatas na dumalo sa pagdinig ng kanyang komite sa kabila ng pagdiriwang ng Ramadan.

Aniya, “We are thankful for all of you for your presence.”

Binigyang-diin naman ni Hataman na walang probisyon sa Islam na nagbabawal sa mga Muslim na gampanan ang kanilang tungkulin o pangaraw-araw na gawain sa panahon ng banal na buwan ng Ramadan.

“Kami rin ho ay nagpa-fasting, pero nandito kami, ginagawa namin ang aming trabaho,” aniya.

Gaya ni Paduano, pinasalamatan din ni Hataman ang mga dumalong opisyal na Muslim.

“Hindi po ninyo ginawang excuse ang Ramadan,” sabi niya.

Dahil hindi binanggit ni Paduano ang dahilan ng hindi pagdalo ng mga opisyal ng BARMM sa unang pagdinig ng komite tatlong linggo na ang nakalipas, muling nagtanong si Hataman: “Does this mean that they are no longer questioning our oversight power over them?”

Ipinaliwanag ni Paduano na sakop ng mandato ng Kamara ang pagsasagawa ng imbestigasyon bilang tulong sa paggawa ng batas, at kabilang dito ang awtonomiyang rehiyon ng mga Muslim.

Dagdag pa niya, ang Kongreso ang lumikha ng BARMM kaya may oversight power ito sa naturang rehiyon.

“Pero hintayin natin ang kanilang sagot kapag dumalo na sila rito,” aniya.

Hindi binanggit kung may show cause order na inilabas upang ipaliwanag ng mga rehiyonal na opisyal ang kanilang hindi pagdalo tatlong linggo na ang nakalipas.

Hindi sila sumipot noon dahil sa sarili nilang imbestigasyon kaugnay ng kwestiyonableng pagpapalabas ng pondo sa mga barangay na kaalyado ng BARMM.

Ayon noon kay Paduano, “not acceptable” ang naturang dahilan dahil hindi naman ito hadlang upang dumalo sila sa imbestigasyon ng Kamara.

Sa kanyang opening remarks, sinabi ni Paduano na nakatanggap ang kanyang komite ng mga testimonya na nagkukumpirma na mula P500,000 hanggang mahigit P2.5 milyon ang naipalabas sa mga barangay na kaalyado ng rehiyonal na pamahalaan.

Aniya, inutusan umano ang mga benepisyaryo na isauli ang pondo sa ilang opisyal ng BARMM at itira lamang ang P200,000 para sa kanilang mga proyekto.