Miguel Barreto Masayang ipinakita ni swimmer Miguel Barreto ang kanyang mga medalya sa 2023 Philippine National Games. PSC Media photo

Barreto, Dela Torre, Mordido pasilkab sa PNG

148 Views
Sakura Alforte
Ipinamalas ni Sakura Alforte ang kanyang winning form sa women’s individual kata event sa Philippine National Games.

INIUWI nina swimmers Miguel Barreto at Atasha Dela Torre at woodpusher WIM Kylen Joy Mordido ang ikatlo nilang gold medal sa Day 5 ng 2023 Philippine National Games finals.

Nilangoy ni 20-year-old Barreto ng Bulacan ang gold medal sa 18 & over men’s 200m freestyle na ginanap sa loob ng PhilSports swimming pool sa Pasig City.

Nirehistro ni Barreto ang isang minuto at 53.05 segundo sapat upang ungusan sina silver at bronze medalists Reiniel Francis Lagman (1:59.07) ng Pasig at Renz Kenneth Santos (1:57.96) ng Navotas.

Dinomina naman ni Dela Torre, 19, ng Ormoc City ang women’s division ng 100m butterfly matapos ilista ang isang minuto at 06.29 segundo para makopo ang gintong medalya.

Tinalo ni Dela Torre sina Jindsy Azze Morgia Dassion ng Mandaluyong City at Maiki Samantha Gonzaga ng Davao na tumapos ng second at third ayon sa pagkakasunod.

Patuloy na kumikinang si olympian Mordido matapos magkampeon sa PNG Chess Championships – Blitz women’s division na nilaro naman sa GSIS gymnasium sa Pasay City.

Nakalikom si Mordido ng anim na puntos sa event na ipinatupad ang seven round swiss system, kapareho niya sina WFM Cherry Ann Mejia ng Taguig at Ma. Elayza Villa ng Mandaluyong subalit matapos idaan sa tie-break points ay nagkampeon ang una.

Nasilo ni Mejia ang silver habang bronze si Villa sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) sa pamumuno ni Chairman Richard Bachmann.

Samantala, tatlong ginto rin ang pinitas ni Lyka Labrica Catubig ng Davao matapos angkinin ang korona sa U-20 ng 5,000m walk na ginanap sa PhilSports track & field oval, Miyerkules ng gabi.

Nilista ni 19-year-old BS Criminology sa University of Mindanao (UM), Catubig ang 28 minuto at 21.82 segundo.

Kabilang sa sumikwat ng ginto noong Miyerkules ng gabi si reigning Cambodia Southeast Asian Games gold medalist Sakura Alforte sa individual kata event ng women’s karate.

Ang ibang nagwagi ng gold medal sa huling araw ng kompetisyon ay sina Rechelle Bonite Barbin ng Camarines Sur sa Hammer Throw sa PhilSports track & foeld oval at IM Michael Concio Jr. ng Dasmarinas sa blitz event ng chess na tinulak sa GSIS gymnasium.