Calendar
Batang babae, 7, binugbog ng ina ng kalaro, agaw-buhay
KALABOSO ang 30-anyos na ginang matapos bugbugin ng husto ang pitong-taong gulang na batang babae na kalaro ng kanyang anak sa Caloocan City.
Patuloy na nakikipaglaban sa kamatayan ang biktimang si alyas “Jenny” matapos isailalim sa maselang operasyon sa Camarin Doctor’s Hospital, araw ng Linggo, bunga ng matinding pinsala sa ulo at iba’t-ibang bahagi ng katawan na dulot ng dinanas na matinding pambubugbog ng suspek na si alyas “Rowella”.
Batay sa tinanggap na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals, nangyari ang insidente noong pang Biyernes ng hapon sa Brgy. 177 Urduja Village, habang nakikipaglaro ang biktima sa anak na babae ng suspek.
Sa hindi malamang dahilan, bigla umanong kinaladkad ng ginang ang bata sa banyo at ilang ulit na pinag-uuntog sa inidoro, binuhat at inihampas ang katawan sa baldosa.
Natigil lang ang pambubugbog nang pumasok ang kapatid na lalaki ng suspek sa bahay nang marinig ang sigaw ng pamangkin at dito niya nakitang sumusuka na ng dugo, namamaga ang mukha, ang nakahandusay na biktima.
Kaagad na ipinabatid ng lalaki ang pangyayari sa ama ng bata na siyang nagsugod sa wala ng malay na nak sa pagamutan.
Nang makarating sa kaalaman ng pulisya ang pangyayari, nagresponde kaagad sina Pat Beverly Caguindagan at Pat Jesabeth Donato ng Hillcrest Police Sub-Station-8 na nagresulta sa pagkakadakip kay “Rowella”.
Ayon sa pulisya, mismong ang kalaro ng bata na anak ng suspek ang nagsalaysay kung papaano pinagbubugbog ng kanyang ina si Jenny, na umano’y may dati ng problema sa pag-iisip.
Nahaharap sa kasong frustrated murder ang ginang sa Caloocan City Prosecutor’s Office.