DA

Batang farmers susuportahan ng DA ng buo

Cory Martinez May 17, 2025
15 Views

BUONG suporta ang ibibigay ng Department of Agriculture (DA) sa mga kabataan na magsasanay para maging mga bagong magsasaka, ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.

Tiniyak ito ni Laurel sa send-off kamakailan para sa 2025 batch ng Young Filipino Farm Leaders Training Program sa Japan.

Binigyang-diin ni Tiu Laurel na ang mga kabataan ang susi upang mapanatili ang agrikultura at masigurong may sapat na pagkain ang bansa.

“Ang ating mga kabataan ang kinabukasan ng agrikultura. Sa pamamagitan ng edukasyon at hands-on na mga karanasan, mapapalakas natin ang mga ito upang pangunahan ang pagsusulong sa sektor,” ani Tiu Laurel sa mensahe na binasa ni Undersecretary for Administration Allan Umali.

Sa ginanap na seremonya sa Agricultural Training Institute (ATI), 23 kabataang Filipino scholar ang pinarangalan matapos makumpleto ang kanilang pre-departure training.

Mananatili sila sa Japan ng 11 buwan upang matutunan ang modernong paraan ng pagsasaka at mga teknolohiya mula sa mga eksperto.

May pangangailangang maturuan ang mga batang henerasyon sa pagsasaka dahil ang karamihan sa mga magsasaka sa Pilipinas malapit ng umabot sa 60.

“Dahil marami na ang malapit abutan ng kanilang senior years, mahalagang maturuan ang mga batang henerasyon ng makabagong kaalaman at teknolohiya upang mapahusay ang farm production at makatulong na masiguro ang sapat na supply ng pagkain sa bansa sa mga darating na panahon,” dagdag pa ng kalihim.

Dinisenyo ang training program upang maturuan ng praktikal na kakayahan, imumulat ang mga participant ng mga makabagong paraan ng pagsasaka at mapalakas ang kanilang kahandaan na makapag-ambag sa mga pagbabago sa lokal na agrikultura.

Sasailalim din ang mga scholar sa pagsasanay na matuto ng lenggwahe at kultura upang mabilis na matuto at masanay sa panahon ng kanilang pananatili sa Japan.

Kabilang sa mga kasama sa send-off sina Akasaka Hidenori, First Secretary and Agriculture Attache’ ng Embassy of Japan; at ATI Director IV Engr. Remelyn Racoter.

Bahagi ang inisyatiba sa mas malawak na estratehiya ng DA na mamuhunan sa mga batang henerasyon mula sa iba’t-ibang agricultural subsectors.

Layunin ng kagawaran na muling pasiglahin ang komunidad sa mga kanayunan, punan ang agwat sa mga kaalaman at masiguro ang matatag na supply para sa mga susunod na henerasyon.

Bilang pagpapakita ng suporta, nagbigay ang ATI ng P150,000 na dagdag na pondo sa ilang piling 2024 graduates na nagpakita ng natatanging agribusiness proposals.

Ginagamit na ngayon ng mga batang entrepreneur ang kanilang mga natutunan sa training upang isabuhay ang mga makabagong ideya sa kanilang mga tahanan at komunidad.