Calendar
Batangas City mayor namigay ng 46 kambing
BATANGAS CITY–Namigay ng kambing sa 46 na residente mula sa iba’t-ibang barangay sa Batangas City noong Sept. 4 si Mayor Marvey Mariño sa ilalim ng Goat Dispersal Program ng Livestock Division ng City Veterinary Office (CVO).
Ipinagpatuloy ni Mayor Mariño ang programa na sinimulan noong administrasyon ni dating mayor Eduardo Dimacuha na naglalayong makapagbigay ng dagdag na pagkakakitaan sa industriya ng paghahayupan sa Batangas City.
Isa sa mga nakinabang sa programa si Mang Victor Balmes ng Talahib Payapa.
Ang paghahayupan, ayon kay Balmes, ang kanilang ikinabubuhay at itinaguyod niya sa kanyang pamilya.
Ayon sa kasunduan, bago tuluyang maangkin ang kambing kinakailangang magbalik ng benepisyaryo ng dumalagang kambing na ipaa-alaga naman sa kanyang kabarangay na kwalipikado sa programa.
Binigyan din ang mga beneficiaries ng vitamins at pampurga at tinuruan ng tamang paraan ng pag-aalaga ng palahiang kambing.
Nakiisa sa pamamahagi si Vice Mayor Alyssa Cruz at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.

