Calendar
Batas sa pag-angat ng competitiveness, kahandaan sa trabaho hindi maayos na naipatutupad
SA kabila ng pagsasabatas ng Republic Act No. 10968 o Philippine Qualifications Framework (PQF) Act upang gawing mas competitive at handa sa trabaho ang mga Pilipino, wala pang stratehiyang nasa lugar para sa maayos na pagpapatupad nito.
Ito ang pinuna ni Senador Sherwin Gatchalian sa Proposed Senate Resolution No. 15 na layong repasuhin ang pagpapatupad ng naturang batas. Ayon sa senador, wala pang umuusad na mga programa at hakbang para maabot ang mga layunin ng PQF Law, bagay na makakaapekto sa mga reporma sa sektor ng edukasyon.
“Ipinasa natin ang PQF Law upang iangat ang competitiveness ng ating mga kababayan at matiyak ang kanilang kahandaan para sa trabaho. Ngunit dahil nakikita nating hindi naipapatupad nang maayos ang batas, napapanahon ang ating pagsusuri sa pagpapatupad nito, lalo na’t ang ating mga kababayan ang lubos na makikinabang rito,” ani Gatchalian.
Ayon sa isang ulat ng World Bank noong 2021, ang pagpapatupad ng PQF ay mahina at may limitadong epekto sa labor market sa kabila ng pagkakaroon ng matatag na framework. Ayon sa Labor Force Survey, ang annual unemployment rate sa 2021 ay umabot sa 7.8% o 3.7 milyong mga Pilipinong walang trabaho. Umabot naman sa 15.9% o tinatayang 7 milyong mga Pilipino ang underemployed.
Ayon sa country report ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization Institute for Lifelong Learning, ang mga PQF ay makakatulong sa pagtugon sa unemployment at underemployment sa bansa na dulot ng mismatch sa pagitan ng mga trabahong inaalok at sa skills o kakayahan ng workforce.
Layunin ng PQF Act, na naging batas noong Enero 2018, na magpatibay ng mga pambansang pamantayan at lebel sa mga learning outcomes sa edukasyon. Dinisenyo ang PQF noong 2003 at pinagtibay noong 2012 upang tugunan ang mismatch sa trabaho at mga skills. Nagmula ito sa Philippine Technical and Vocational Qualifications Framework (PTVQ) at dinisenyo upang paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng basic education, technical and vocational education, at higher education sa isang nationwide unified framework ng skills at competencies.
Binigyang diin din ng mambabatas na hindi pa kumpleto ang mga miyembro ng PQF-National Coordinating Council (NCC) na binuo upang pamunuan ang pagpapatupad ng PQF-NCC. Upang patatagin ang PQF, inirekomenda rin ng World Bank ang pagkumpleto sa mga kasapi ng PQF-NCC.