Ridon Source: House of Representatives

Bato nawalann ng protective custody nang lumabas sa Senado

29 Views

NAWALAN ng proteksiyong ibinigay sa kanya ng Senado si Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa nang siya ay tumakas noong Huwebes, ayon kay House Committee on Public Accounts chair Terry L. Ridon ng Bicol Saro Party-list nitong Sabado.

Nang tanungin tungkol sa desisyon ng Senado na ilagay si Dela Rosa sa protective custody noong nakaraang Lunes habang sinusubukan siyang arestuhin ng mga ahente ng NBI batay sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC), sinabi ni Ridon na nais niyang magsalita batay sa kanyang karanasan sa House of Representatives ukol sa usapin.

“Ayoko na pag-usapan ‘yun kasi syempre mga senador naman po ‘yung magpapaliwanag po dun pero paliwanag ko na lang halimbawa ang protective custody sa House ‘no kung saan may actual ako na karanasan,” ani Ridon.

Naalala ng mambabatas, na miyembro rin ng Committee on Justice, na nagbigay ang Kamara ng protective custody sa ilang testigo sa flood control scam habang iniimbestigahan ang umano’y katiwalian sa mga proyekto kaugnay ng flood control.

“Noong kasagsagan ng flood control proceedings, nagkaroon ng protective custody sa ilang mga resource persons involved sa Bulacan flood control. So grinant po ito sa kanila, pero nag-decision sila na parang ayaw nilang manatili sa House area…noong umalis sila, nawala na yung protective custody,” sabi ni Ridon, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP).

Ayon sa kanya, ang pag-alis ni Dela Rosa sa Senado noong Huwebes matapos ang insidente ng putukan ay dapat magkaroon ng kaparehong epekto.

“So, I think similar to the situation of Sen. Bato, ganoon din po ‘yung practical effect na ‘yan. So the moment that they actually left the House or Senate grounds, there was no more protective custody,” aniya.

Sinabi rin ni Ridon, na kabilang sa House prosecution panel sa nakaambang impeachment trial ni Vice President Duterte sa Senado, na ang inaasahang pagliban ni Dela Rosa sa Senado kapag ito ay nagpulong bilang impeachment court at nagsimula ang paglilitis ay walang magiging epekto sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction.

Ayon sa kanya, hindi nagbabago ang kinakailangang 16 boto ng mga senador upang mahatulan ang Bise Presidente, kahit pa may senador o mga senador na absent o, sa teorya, suspendido.

“Hindi ho nagbabago ‘yung threshold vote na kailangan po to convict an impeachable official. So 16 pa rin po ‘yun ang kailangan pong boto to convict. So irrespective of any suspension, it is still a 16-vote threshold that the prosecution will need to surmount to convict the Vice President,” sabi niya.

Dagdag pa niya, ang preventive suspension ni acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Aplasca ng Office of the Ombudsman ay hindi dapat maging dahilan upang maantala ang pagpupulong ng Senado bilang impeachment court sa Lunes, gaya ng inanunsyo ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Aniya, maaaring akuin ng mga deputy ni Aplasca ang tungkulin sa pagprotekta sa mga senador at sa gusali ng Senado.

“Ang totoo naman po yung OSAA, pareho ng House at Senado naman po. Hindi lang naman ho iisang tao lang ‘yun, so I’m sure mayroon pong mga deputies, ‘yun pong current Sgt. of Arms na kaya pong mag-secure at mag-insure po ng safety ng lahat po ng mga taong papasok sa darating pong Lunes,” sabi niya.

“So tingin ko naman po hindi ho ‘yan magiging sagka doon po sa, una, session ng Senado, at pangalawa, doon po sa pagbubukas po ng Senate impeachment trial,” dagdag ni Ridon.