Adiong Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong

‘Bawal magkasakit next year fake news’ — Adiong

15 Views

IGINIIT ng isang lider ng Kamara de Representantes nitong Martes na may sapat na reserbang pondo ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino, taliwas sa maling impormasyong kumakalat sa social media.

“Fake news po ang kumakalat na ‘bawal daw magkasakit next year’ dahil walang pondo ang PhilHealth, matapos itong hindi bigyan ng premium subsidy sa 2025 budget,” ayon kay House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.

Sa mga pagdinig sa Kongreso kamakailan, sinabi ni Adiong na lumabas na ang investible funds ng PhilHealth ay umabot na sa P504 bilyon.

Bukod dito, iniulat din ng PhilHealth na mayroon silang surplus reserve funds na P183 bilyon at dalawang hindi nagamit na Special Allotment Release Orders (SAROs) na nagkakahalaga ng P42 bilyon.

“Thus, it’s clear that the State health insurer has more than enough to cover the health needs of Filipinos even for the next two years,” diin ni Adiong.

Ang malaking reserba ng PhilHealth ay lagpas sa statutory requirement na nag-aatas na magpanatili ito ng pondo na katumbas ng dalawang taong average benefit payments.

Ayon sa Department of Finance (DOF), ang requirement na ito ay nasa P280 bilyon, o P140 bilyon kada taon. Ang kasalukuyang reserba ng PhilHealth ay higit na mas mataas sa threshold na ito, patunay ng matatag nitong kalagayang pinansyal.

“Note, too, that even with zero premium subsidies from government, annual premium collections from direct members are sufficient to cover average benefit spending of P140 billion,” ani Adiong.

Dagdag niya, “Ultimately, the question is: why does PhilHealth have over P500-billion in investments, when its primary mandate is to spend to save the lives and pockets of our kababayans, not to earn interest?”

Sa iminungkahing pambansang budget para sa 2025, inaprubahan ng bicameral conference committee ang zero funding para sa PhilHealth subsidies. Batayan nito ang malaki at sapat na reserba ng PhilHealth upang tugunan ang mga obligasyon nito nang hindi na kailangan ng dagdag na suporta mula sa gobyerno.

Ayon pa kay Adiong, noong unang bahagi ng taon, inutusan ng DOF ang PhilHealth na ibalik ang hindi nagamit na reserbang pondo sa national treasury—isang patunay na mayroon itong sobrang pondo. Gayunman, ang karagdagang paglilipat ay pinigil ng isang temporary restraining order mula sa Korte Suprema.

Idinagdag din ni Adiong na sa kabila ng kawalan ng bagong subsidies, nananatiling matatag ang financial health ng PhilHealth. Iniulat na ang investible funds nito ay nasa P504 bilyon, na nagpapatunay ng kakayahan nitong tugunan ang mga hinaharap na claims at palawakin pa ang mga benepisyo.

Ayon sa Universal Health Care Act, kapag may sobrang pondo ang PhilHealth, may kapangyarihan itong palawakin ang mga benepisyo o bawasan ang premium contributions.

Bagaman nananawagan ang Kongreso na ipatupad ang parehong hakbang, sinabi ni Adiong na sinimulan na ng PhilHealth ang pagtaas ng mga benepisyo, kabilang ang pagpapabuti ng hemodialysis benefit package.

Gayunpaman, mabagal pa rin ang pagpapalawak ng ibang benepisyo, partikular sa primary care services tulad ng Konsulta package, kahit may karagdagang P42 bilyong suporta sa nakalipas na dalawang taon.

Dahil sa mga pondong ito, binigyang-diin ni Adiong na walang basehan ang mga kumakalat na babala ukol sa kakulangan ng pondo ng PhilHealth.

“Wag po tayong magpabudol. PhilHealth’s substantial reserves and ongoing benefit enhancements ensure that Filipinos will continue to receive the healthcare support they need in the coming years,” pahayag ni Adiong.