Hermosa

Bayan sa Bataan nakakuha ng award

Christian Supnad Dec 7, 2025
225 Views

SAN FERNANDO CITY, Pampanga–Binigyan ng parangal at pagkilala noong Biyernes ang bayan ng Hermosa sa Bataan dahil sa mahusay na programa laban sa mga disaster at iba pang kalamidad.

“Personal po nating tinanggap ang pagkilalang iginawad ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (RDRRMC) para sa ating bayan matapos makamit ang 1.8 rating sa 2025 Regional Assessment for Local Disaster Risk Reduction and Management Councils and Offices (LDRRMCOs) na ginanap sa San Fernando, Pampanga,” sabi ni Mayor Ann Inton.

Kasama ni Mayor Inton na tumanggap ng parangal si Glenly Monje, MDRRM officer, bilang simbolo ng sama-samang pagsusumikap at mabilis na pagtugon ng pamahalaang bayan tuwing may kalamidad.

“Lubos po ang aming pasasalamat sa lahat ng tumulong, lalo na sa masisipag na MDRRMO staffs, para sa kanilang walang sawang serbisyo at kahandaang maghatid ng agarang tulong sa panahon ng sakuna.

Patunay po ito na ang ating bayan ay patuloy na nagtataguyod ng isang ligtas, handa, at matatag na komunidad,” dagdag pa ni Mayor Inton.

Mismong si Mayor Inton ang nangunguna sa pagmonitor at pagresponde sa mga apektadong barangay pagdating ng mga kalamidad.