Just In

Calendar

January 2025
M T W T F S S
 12345
6789101112
13141516171819
20212223242526
2728293031  
Rep. Robert Ace Barbers Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers

Bayarang vloggers na sumisira, nagkakalat ng kasinungalingan laban sa Quad Comm pinahahabol sa NBI

54 Views

BAGAMAT sinasalo ng House quad committee ang mga banat sa kanila, hindi umano nito mapalalagpas ang ginagawang pagkakalat ng kasinungalingan ng mga bayarang vlogger na nagpapakalat ng maling impormasyon sa iba’t ibang social media platform upang sirain ang mga miyembro ng komite.

Kaya hiniling ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, ang overall chairperson ng House quad comm, sa National Bureau of Investigation (NBI) na tukuyin, imbestigahan at kasuhan ang mga vlogger na binabayaran umano ng mga sindikato ng iligal na droga at Philippine offshore gaming operation (POGO) upang magpakalat ng kasinungalingan.

Sumulat si Barbers kay NBI chief Atty. Jaime B. Santiago upang imbestigahan ang mga vlogger na animo’y inorganisa umano upang sirain ang integridad ng komite at magdulot ng kalituhan, kawalang-tiwala at malinlang ang publiko.

Sa sulat, na may petsang Nobyembre 25, 2024, hiniling ni Barbers kay Santiago na tulungan ang quad comm na imbestigahan at tukuyin ang mga indibidwal at grupo na nasa likod ng paninira at kalapin ang mga maling impormasyon na ipinakalat ng mga ito upang gamiting ebidensya.

May isinumite rin si Barbers na mga paunang ebidensya sa NBI, partikular ang ipinakalat na siya at ang kanyang kapatid na si Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers ay sangkot sa ipinagbabawal na gamot.

“Very obvious na well-organized at bayaran ang mga vloggers na ito na gustong sirain ang pangalan ko, ng kapatid ko, at mga Quadcom members. Sabi nila, ito ‘yung mga bayarang grupo ng tagapagkalat ng kasinungalingan. Siguro nasasaktan na ang kanilang mga employers na POGO operators at drug lords dahil sa patuloy na Quadcom investigations,” sabi ni Barbers.

Kapag nabuo na ang mga ebidensya, sinabi ni Barbers na maaari nang sampahan ng kaso ang mga vlogger alinsunod sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

“Subject to the appreciation of your good office, these charges may include the crimes of Libel (Art. 353 RPC), Sedition (Art. 139 RPC), Conspiracy to Commit Sedition (Art. 142 of RPC), Incriminating Innocent Person Act (Art. 363 RPC) and Intriguing Against Honor (Art. 364 RPC) – all in relation to Sec. 6 of the Cybercrime Prevention Act,” sabi ni Barbers.

Kumpiyansa si Barbers sa kakayanan ng Cybercrime Division ng NBI na matutugunan ang mga cyber-related offense, partikular ang mga naglalayong guluhin at sirain ang isang pampublikong proseso.

Ang mga blogger ay gumagawa ng written content gaya ng mga artikulo, tutorial at istorya, samantalang ang mga vlogger ay gumagawa o nagrerekord ng video contents na kanilang ipino-post sa iba’t ibang social media platforms, gaya ng YouTube at Tiktok.

Ang quad comm ay binubuo ng House committees on dangerous drugs na pinamumunuan ni Barbers; public order and safety na pinamumunuan ni Laguna Rep. Dan Fernandez; public accounts na pinamumunuan ni Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Joseph Paduano; at human rights na pinamumunuan ni Manila Rep. Benny Abante.

Binuo ito upang imbestigahan ang koneksyon ng iligal na operasyon ng POGO sa kalakalan ng iligal na droga at extrajudicial killings sa pagpapatupad ng war on drugs campaign ng Duterte administration.