BBM

BBM ipinababasura petisyon sa SC

Hector Lawas Jun 1, 2022
273 Views

HINILING ng kampo ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Korte Suprema na ibasura ang petisyon na inihain upang ipakansela ang kanyang certificate of candidacy (COC) sa katatapos na halalan dahil sa kawalan ng merito.

Sa 45-pahinang komento na inihain ni Marcos sa pamamagitan ng kanyang abugado na si Estelito Mendoza, sinabi nito na ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na ang dapat na duminig sa petisyon.

Binigyan-diin din sa komento na mahigit 31.6 milyon ang bumoto kay Marcos sa katatapos na halalan.

“To allow the defeated and rejected candidate to take over is to disenfranchise the citizens representing 58.77% of the votes cast, without fault on their part,” sabi ng komento.

Ayon sa mga petitioner, nilinlang ni Marcos ang Commission on Elections (Comelec) ng maghain ito ng certificate of candidacy kung saan nakasaad na hindi ito pinagbabawalan ng batas na tumakbo.

Sa inihaing komento, sinabi ni Marcos na hindi ito pinatawan ng parusang perpetual absolute disqualification kaugnay ng hindi nito paghahain ng income tax return.

Nauna ng ibinasura ng Comelec ang naturang petisyon at iniakyat ng mga petitioner sa SC.