BBM

BBM manunumpa kay SC Chief Justice Gesmundo

247 Views

SUSUNOD si President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa tradisyon at manunumpa bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa Hunyo 30.

Ayon pa kay incoming Executive Secretary Vic Rodriguez gagawin ang oath-taking ni Marcos sa labas ng National Museum sa Maynila upang masaksihan ito ng publiko.

Nauna rito ay sinabi ni incoming Presidential Management Staff (PMS) Secretary Zenaida Angping na ang inagurasyon ni Marcos ay gagawin sa National Museum. Nakapagsagawa na umano roon ng ocular inspection ang inaugural committee at pumasok ang lugar sa kanilang hinahanap na kuwalipikasyon.

Ikinonsidera rin ang Quirino Grandstand, kung saan nanumpa ang ama ni Marcos na si Ferdinand Marcos Sr. bilang ika-10 Pangulo ng Republika. Hindi pa umano maaaring idaos doon ang inagurasyon dahil naroon pa ang COVID-19 facility.

Nagpasalamat naman ang National Museum of the Philippines sa pagpili sa National Museum of Fine Arts.

Upang maihanda ang lugar, pansamantalang isasara ang National Museum of Fine Arts na nasa Padre Burgos Drive, Manila mula Hunyo 6 hanggang Hulyo 4.

Magpapatuloy naman umano ang operasyon ng National Museum of Anthropology at National Museum of Natural History.