Calendar
BBM-Sara tandem sure win sa Quezon City—Defensor
WALA umanong duda na panalo na sina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential aspirant Sara Duterte sa Quezon City.
Pero hindi simpleng panalo lamang ang gusto nina Quezon City mayoral candidate Mike Defensor at running mate nitong si Councilor Winnie Castelo na ibigay sa UniTeam tandem kaya patuloy umanong magtatrabaho ang mga ito para sa isang landslide victory.
Ayon kay Defensor sa tulong ng Malayang Quezon City ay pipilitin nila na makuha ang 90% ng boto para kina Marcos at Duterte.
“Mr. President, you and Mayor Sara are very popular here. I am sure you will win in our city, but we will try our best to deliver 90 percent of the votes,” sabi ni Defensor.
Nagpahayag naman ng kumpiyansa si Marcos sa kakayanan nina Defensor at Castelo na pamunuan ang Quezon City lalo at alam umano ng mga ito ang problema ng lungsod.
Nang mabanggit ang problema sa pabahay, sinabi ni Marcos na noong panahon ng administrasyon ng kanyang ama ay nasimulan ang BLISS o Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services.
Ayon kay Defensor nasa 300,000 pamilya sa lungsod ang walang bahay at unti-unti umano itong sosolusyunan ng city government kapag siya at si Castelo ang nanalo sa paparating na eleksyon.
Magbibigay din umano sila ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya.
Sinabi ni Defensor na maraming programa ang mapopondohan ng P30.5 bilyong taunang budget ng city government na hindi hamak na mas malaki sa P18 bilyon na pondo ng Makati at Maynila.