Viado BI Commissioner Joel Anthony Viado

Bebot dinampot sa pag-aalok ng clearance sa di makapasok sa PH

Jun I Legaspi Jun 19, 2025
21 Views

NAGPASALAMAT ang Bureau of Immigration (BI) sa Airport Police Department (APD) sa pag-aresto sa babae na nag-aalok ng ilegal na “clearance” sa mga banyagang pasaherong hindi pinayagang makapasok sa bansa noong Hunyo 13.

Naharang ang isa sa mga binigyan ng ilegal na clearance sa departure east area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Ayon sa BI, nahuli ng APD ang babaeng suspek habang sinusubukang hikayatin ang isang banyagang pasahero na nagbayad ng malaking halaga kapalit ng mabilisang “clearance.”

Ang mga tinatawag na “excluded passengers” ay mga banyagang hindi pinayagang makapasok sa bansa dahil may kriminal na rekord, kulang o pekeng dokumento o iba pang paglabag.

“May mga ulat kaming natanggap na may ilang indibidwal sa paliparan na nag-aalok ng ilegal na serbisyo kapalit ng pera para baligtarin ang exclusion orders,” ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Paliwanag pa ni Viado, kapag na-exclude ang isang banyagang pasahero, sila ay ibinabalik agad sa airline na kanilang sinakyan upang mapauwi sa lalong madaling panahon alinsunod sa tamang proseso.

“Ang sinumang nag-aalok ng clearance kapalit ng pera ay nagpapanggap na may awtoridad at hindi dapat pagkatiwalaan,” dagdag niya.

Ayon sa ulat, humingi ng P850,000 ang suspek at tinakot ang biktima ng sapilitang deportasyon kung hindi ito magbabayad. “Pinupuri namin ang APD sa kanilang mabilis na pagkilos upang pigilan ang scam na ito.

Ipinapakita ng kasong ito kung gaano kahalaga ang pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno upang protektahan ang ating mga hangganan at ibalik ang tiwala ng publiko sa ating sistema ng imigrasyon,” sabi ni Viado.