Bebot Source: LTO-Central Strategic and Communications

Bebot na nag-aalok ng mabilisang pag-isyu ng lisensya nakorner ng LTO, CIDG

Jun I Legaspi Sep 25, 2024
95 Views

INARESTO ng mga intelligence agents ng Land Transportation Office (LTO), sa tulong ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ang isang 40-taong gulang na babae na inakusahan ng pag-aalok ng mabilisang pag-isyu ng lisensya sa isang entrapment operation sa Barangay Pinyahan, Quezon City, hapon ng Martes, Setyembre 24.

Kinilala ang inarestong suspek na si Desire Daginod, residente ng Pandi, Bulacan. Samantala, ang isa niyang kasabwat na si Gerlo Gomez, 35, ay patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza, ang operasyon ay isinagawa bilang tugon sa mga ulat na muling may mga fixer na nag-aalok ng serbisyo sa mga motorista. Sa kaso ng naarestong suspek, siya ay nagpo-post ng kanyang iligal na aktibidad sa kanyang Facebook account.

“This person was facilitating instant issuance and processing of Driver’s License without undergoing proper procedures in-exchange for an excessive amount of fee,” ani Assec Mendoza.

Isinagawa ang surveillance na nagpatunay sa mga natanggap na ulat ng LTO-Intelligence and Investigation Division. Kasunod nito, isinagawa ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek bandang alas-4 ng hapon sa Magalang Street, Barangay Pinyahan.

Nakumpiska mula sa suspek ang P500 bill, medical certificate, at iba pang dokumentong ginagamit sa aplikasyon at pag-renew ng lisensya sa pagmamaneho.

Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na ang suspek ay nag-aalok din ng iligal na serbisyo para sa mga transaksyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Ang naarestong suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 11032 o “Anti-Red Tape Act of 2007.”

Samantala, ang kanyang kasabwat ay nahaharap din sa mga kasong paglabag sa R.A. 11032, Article 210 (Direct Bribery), at Sec. 6 ng R.A. 10175 (Anti-CyberCrime Prevention Act of 2012) ng Revised Penal Code.

“This should send a strong message that we will not allow this kind of illegal activity, nor tolerate any of our personnel to connive with these fixers,” ani Assec Mendoza.

“We will always make sure that they are arrested and face the consequences of their illegal activities,” dagdag niya.