Patay Patuloy na tinutugis ng Manila Police District ang nakatakas na suspek sa pamamaril sa kanyang live-in partner na bagong panganak sa Parola Compound, Tondo, Manila.

Bebot nakikipaghiwalay sa ka-live in dahil walang trabaho, binoga sa ulo

Jon-jon Reyes Mar 23, 2026
252 Views

PATAY ang isang 25-anyos na bebot na bagong panganak pa lamang matapos barilin sa ulo ng kanya umanong live-in partner sa loob ng kanilang tahanan sa may Parola Compound, Barangay 20, Tondo, Manila, gabi ng Linggo.

Nakilala ang biktima na si alyas “Kathryn” na empleyado ng isang realty company at residente sa nabanggit na lugar.

Kinilala naman ang nakatakas na suspek na si alyas “Edmar” na nasa hustong gulang at live-in partner ng biktima. Ang suspek ay walang trabaho at residente ng Gate 17, Parola Compound, Brgy. 20, Tondo.

Ayon sa report, bandang alas-10:55 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang duty desk officer/STOC na si PCMS Dan Israel Ramos sa telepono mula sa isang security guard ng Gat. Andres Bonifacio Medical Center sa Manila at iniulat ang isang sugatang biktima na dinala ng ina nito para sa agarang atensyong medikal.

Subalit kasunod nito, idineklarang patay na ang biktima ng doktor.

Sa inihayag ng inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ay nagpahayag ang biktima ng kanyang intensyon na makipaghiwalay sa kanyang live-in partner na suspek dahil sa walang trabaho ito, lalo na at nagkaroon sila ng sanggol na anak na 11 na buwan.

Makalipas ang ilang oras, ang biktima ay nakahiga at nagpapahinga sa loob ng tirahan ng kanyang ina, na nasa ikatlong palapag, habang ang nasabing live-in partner ay nag-iinuman sa unang palapag ng parehong lugar.

Bandang alas-9:45 ng gabi, ang suspek ay umakyat na at tumuloy sa silid ng biktima at walang anumang nakitang provocation, hanggang sa barilin sa ulo ang biktima.

Nang marinig ang putok ng baril, agad na tinungo ng ina at stepfather ng biktima ang silid ng anak, kung saan tumambad sa kanila ang duguang ulo ng biktima.

Agad nilang dinala ang biktima sa Gat. Andres Bonifacio Medical Center para sa agarang medikal na paggamot, subalit bandang alas-10:32 ng gabi ay opisyal na idineklara ng attending surgeon na patay na ang biktima.

Dahil dito, nagsagawa ng ocular inspection sa pinangyarihan ng krimen at narekober ni PCpl. Michael Arthur Kapalungan ang mga sumusunod na ebidensiya: isang 9mm kalibre, isang walang laman na magasin, dalawang live na 9mm kalibre na mga bala at isang empty shell na 9mm kalibre.

Patuloy ang isinasagawang follow-up operation ng mga operatiba ng Manila Police District sa pamumuno ni PLt. Ferdinand G. Omli, kasama ang mga tauhan ng MICT-NAR Sector-3, para sa agarang pagdakip sa salarin at paglutas ng kaso ng pamamaril sa Parola Compound.