Bebot

Bebot pumirma sa pangalan ng abogado sa dokumento, arestado

Edd Reyes Dec 7, 2024
63 Views

ARESTADO ang 22-anyos na bebot nang pirmahan sa ibabaw ng pangalan ng abogado ang ipina-notaryong affidavit of loss ng isang policewoman na nagpanggap na kliyente noong Huwebes sa Valenzuela City.

Mga kasong paglabag sa Art. 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority at Art. 171 o Falsification of Public Documents of RPC ang isinampa ng pulisya laban sa supek na si alyas Mitch sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

Pinosasan ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban si alyas Mitch matapos tatakan at selyuhan ang nilagdaan niyang affidavit sa ibabaw ng pangalan ng notaryo-publikong abogado kapalit ng P200 markadong salapi na ibinayad ng policewoman.

Ayon kay Cayaban, ikinasa ang entrapment sa ginagamit na tanggapan ng suspek sa CJ Santos St. Malinta, nang magreklamo ang sheriff sa tanggapan ng Clerk of Court ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) matapos sabihan siya ng hukom hinggil sa natanggap na notaryadong dokumento ng isang abogado na naka-komisyon sa Maynila subalit sa Valenzuela nagno-notaryo.

Ipinaliwanag naman ni P/Capt. Armando Delima, hepe ng Station Investigation Unit (SIU), na limitado lamang dapat sa Maynila ang pagno-notaryo ng abogado dahil doon lamang siya naka-komisyon kaya’t malinaw na paglabag sa jurisdiction ang ginagawa ni alyas Mitch.