Bebot wanted, 15-anyos pinukpok ng bote, nilaslas ang dibdib

72 Views

PINAGHAHANAP ng pulisya ang isang 23-anyos na babae na tinuturong lumaslas sa dibdib ng isang 15-anyos na dalagita na kanyang nakaalitan Lunes ng madaling araw sa Quezon City.

Patuloy na ginagamot sa East Avenue Medical Center ang menor de edad na biktima, habang pinaghahanap naman ang suspek na kapitbahay ng biktima sa Barangay Damayan Lagi, Quezon City.

Lumilitaw sa imbestigasyon ni PSSg. Junie Laluan ng Quezon City Police District-Station 11 na nangyari ang krimen dakong ala-una ng madaling araw ng Lunes sa eskinita ng La Felonila Street sa Bgy. Damayan Lagi.

Nabatid na naglalakad ang biktima kasama ang isang kaibigan nang makasalubong ang suspek.

May binulong umano ang suspek sa biktima na hindi umano nagustuhan ng huli. Sinita ng biktima ang suspek subalit bigla siyang pinalo ng bote sa ulo.

Hindi pa nakuntento, kinuha pa ng suspek ang basag na bote at nilaslas ang dibdib ng biktima.

Agad namang rumespode si Grace Manuel, barangay public safety officer ng Bgy. Damayan Lagi, at dinala ang biktima sa ospital.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente.