Calendar

‘Benepisyo’ ng PNP wagi sa FAMAS
ALINSUNOD sa utos ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na itaguyod ang kapakanan ng mga pulis, nanalo ang pelikulang ‘Benepisyo’ ng Philippine National Police (PNP) sa Film Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) 2025 short film festival.
Si PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil ang tumanggap ng award kasama sina PNP Director for Police-Community Relations, Major Gen. Rhoderick Augustus B. Alba at Police Community Affairs and Development Group director, Brigadier Gen. Marvin Joe C. Saro sa event na ginanap sa Music Museum sa San Juan City.
Binigyang-diin ni Gen. Marbil ang layunin ng pelikula.
“Layunin ng PNP na ipakita at ipaalam sa publiko ang mga benepisyo at tulong na ibinibigay ng pulisya sa mga kasamahan nating nasusugatan o nasawi sa mga operasyon,” sinabi ng hepe ng pambansang pulisya.
Dagdag pa niya, patunay ang pagkilalang ito ng malalim na kwento at kalidad ng produksyon ng ‘Benepisyo’ na isang maikling pelikula na naglalarawan ng sakripisyo at dedikasyon ng mga pulis sa kanilang tungkulin.
Ipinapakita rin nito ang mga suporta at benepisyong ipinagkakaloob ng PNP, ng pamahalaan at ng mga katuwang na ahensya sa mga pamilya ng mga pulis na nasawi o nasugatan habang naglilingkod.
Ang pelikula inisyatibo ni Gen. Marbil bilang bahagi ng kanyang mas malawak na adbokasiya na palakasin ang morale at kapakanan ng PNP personnel at kanilang pamilya.
Sa higit 500 short film entries, namumukod-tangi ang ‘Benepisyo’ dahil sa kakaibang tema ng pagbibigay halaga at boses sa mga buhay at sakripisyo ng mga kapulisan.
Ang tagumpay na ito hindi lang unang pagkilala sa PNP sa larangan ng pelikula at public communication kundi nagsisilbing bagong pamantayan kung paano makikipag-ugnayan ang organisasyon sa mamamayang Pilipino, ayon kay Gen. Marbil.