PhilHealth Larawan: PNA file photo

Benepisyo papalawakin sa ibinalik na pondo — PhilHealth

17 Views

IBINALIK na sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang P60 bilyong pondo na naunang inilipat sa National Treasury matapos magdesisyon ang Supreme Court of the Philippines na labag sa batas ang naturang transfer.

Bahagi ang P60 bilyon sa kabuuang P89.9 bilyong tinukoy bilang “unused funds” ng PhilHealth.

Sa inilabas na pahayag ng PhilHealth, tiniyak ng ahensya na gagamitin ang ibinalik na pondo para sa pagpapalawak ng benepisyo, pagpapabilis ng proseso, at pagpapahusay ng serbisyo sa mga miyembro.

Nauna nang naglabas ng unanimous ruling ang Korte Suprema na nagpapawalang-bisa sa Special Provision 1(d), Chapter XLIII ng 2024 General Appropriations Act at Department of Finance Circular 003-2024.

Ayon kay SC spokesperson Camille Ting, idineklara ng korte na hindi naaayon sa layunin ng budget law ang probisyong nagpapahintulot sa paglilipat ng excess reserve funds ng government-owned corporations papunta sa National Treasury.

Binigyang-diin din ng SC na nilabag ng naturang probisyon ang Universal Health Care Act at Sin Tax Laws, na nagsasaad na ang sobrang pondo ng PhilHealth ay dapat gamitin para dagdagan ang benepisyo ng mga miyembro at mapababa ang kontribusyon.

Tatlong tranche ng P60 bilyon ang nauna nang na-remit ng PhilHealth bago nagpalabas ng restraining order ang SC, dahilan upang manatili sa ahensya ang natitirang P20 bilyon.

Sa desisyon ng korte, sinabi ring hindi maaaring bawasan, suspendihin, o pigilan ng Kongreso ang pondong nakalaan para sa implementasyon ng Universal Health Care program.