Executive Secretary Lucas Bersamin Executive Secretary Lucas Bersamin

Bersamin sinupalpal pahayag nina Panelo, Roque

19 Views

BINWELTAHAN ni Executive Secretary Lucas Bersamin sina dating Presidential Adviser Salvador Panelo at dating Presidential Spokesperson Harry Roque dahil sa pagbatikos ng mga ito nang ireorganisa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang National Security Council (NSC).

Sa pulong balitaan sa Malakanyang, sinabi ni Bersamin na walang moral authority at malisyoso ang mga pahayag nina Panelo at Roque.

Ayon kay Bersamin, base sa kanyang nabasa noong si Panelo pa ang dating presidential adviser ay isinusulong din nito ang pag-aalis bilang miyembro ng NSC kay dating Vice President Leni Robredo.

Kaya giit ni Bersamin, walang “moral authority” si Panelo na kwestyunin ang desisyon ni Pangulong Marcos na alisin bilang miyembro ng NSC sina Vice President Sara Duterte at mga dating presidente na buhay pa.

Paliwanag pa ng kalihim na ang NSC ay isang advisory body at bilang isang commander in chief ay may karapatan at responsibilidad na sundin ang mga payo sa kanya ng mga taong kanyang pinagkakatiwalaan.

Hindi rin naman aniya sinasabi na hindi mapapagkatiwalaan ang Bise Presidente, subalit dahil sa mga bagong development ay maganda na ang naging hakbang ng Pangulo.

Ayon pa kay Bersamin, mayroong power of absolute reorganization na nangangahulugan na mayroong kapangyarihan ang Pangulo na pumili ng mga taong nais niyang pakinggan.

Samantala, tinawag ring malisyoso ni Bersamin ang pahayag ni Roque na ikonokonsidera ni Marcos ang magdeklara ng martial law dahil sa ginawang reorganisasyon sa NSC.

Giit ni Bersamin, kung laging ganyan ang iniisip ay malisyoso ito dahil ang tanging nasa isip lang ni Marcos ay ang mapalago ang ekonomiya, health at wellness lalo na ang mga mahihirap, at ang priority legacy project ng pamahalaan.

“It’s not about martial law, it’s not about extending himself in power, no, he has no thinking about that. He does not even think in those terms, malicious talaga si Mr. Harry Roque,” ayon pa kay Bersamin.