Labor

Best Labor Day regalo umento–Sen. Joel

17 Views

UMAASA si Sen. Joel Villanueva sa posibilidad ng umento sa sahod na makapagbibigay ng ginhawa sa mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na ngayong malapit na ang Araw ng Paggawa.

Tinawag niyang “magandang regalo” para sa mga manggagawa ang umento at sinabi na ang Senate-approved Minimum Wage Increase Act, na naghihintay ng aksyon mula sa House of Representatives.

Ipinahayag niya ang kanyang pag-asa na tuluyang maaaprubahan ang panukalang batas pagbalik ng sesyon ng Kongreso sa Hunyo, at mapipirmahan ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bago matapos ang 19th Congress.

Para sa senador, hindi lamang ito isang hakbang na pampulitika kundi isang pagkilala sa dignidad ng mga manggagawa at sa kanilang mahalagang papel sa lipunan.

“Sa gitna ng nagtataasang presyo ng mga bilihin, mahalaga at napapanahon po ang minimum wage increase upang kahit papaano mabigyan ng kaunting ginhawa ang ating mga kababayan,” ani Villanueva.

Muli rin niyang binigyang-diin ang panawagan para sa mas malawak at pangmatagalang reporma: ang pagpapatupad ng isang “living wage” na sapat para matugunan ang batayang pangangailangan ng isang pamilya.

Ipinakikita ng datos na pang-ekonomiya ang kagyat na pangangailangan para sa reporma sa sahod.

Bagama’t ang arawang sahod sa Metro Manila P645 kada araw, ang tunay na halaga nito—matapos isaalang-alang ang inflation—nasa P508 lamang.

Ipinakikita rin ng mga ulat na ang pinakamahihirap na 30% ng mga sambahayan sa Pilipinas ang pinakamatinding naapektuhan, kung saan ang food inflation para sa grupong ito umabot sa 8.7% noong Hulyo 2024.

Ipinunto ng mga labor economist na ang pagtaas sa minimum wage maaaring magpalakas ng demand ng mga mamimili, tumaas ang produktibidad at makatulong sa pagresolba ng lumalawak na agwat sa kita.

“Ilan lamang po ito sa mga hakbang para maipamalas ng gobyerno ang pagpapahalaga sa dignidad ng paggawa at pagkilala sa kontribusyon ng milyon-milyong manggagawang katuwang natin sa pagpapalago ng ekonomiya,” sabi ni Villanueva.