Chairman

Bgy. captain sa Laur utas sa RIT matapos makipagburol

Steve A. Gosuico Jul 14, 2025
45 Views

LAUR, Nueva Ecija –Tigok sa riding-in-tandem (RIT) ang isang kapitan ng barangay sa bayang ito noong Sabado.

Kagagaling lang sa burol ni Barangay Captain Cesar Asuncion ng Brgy. San Isidro nang pagbabarilin ng dalawang sakay ng motorsiklo sa Sitio Mainit bandang alas-8:00 ng gabi.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang biktima na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay.

Bumuhos sa social media ang mga mensahe ng pakikiramay at suporta para sa naulilang pamilya ng napatay na opisyal ng barangay.

“Hustisya po para sa kapitan,” sabi sa FB post ni Reycelyn Dionisio Ampata.

“Humihingi kami ng tulong mahal naming Mayor Benjie Padilla,” dagdag niya.

Sinabi ni Major Joseph Morden, hepe ng pulisya, na iniimbestigahan pa ang motibo sa pagpatay.