Aksidente Source: Screen grab mula FB video

Bgy. chief, 3 pa patay sa rescue vehicle na nahulog sa ilog; 12 ligtas

Zaida Delos Reyes Jun 24, 2025
16 Views

APAT katao kabilang ang kapitan ng barangay ang nasawi habang 12- iba pa ang nasagip makaraang mahulog sa ilog ang rescue vehicle ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Dumingag , Zamboanga del Sur sa Barangay El Paraiso, La Libertad, Zamboanga del Norte nitong Lunes ng hapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Nicanor Alforo, 50, kapitan ng barangay , Michelle Alforo, 25, Nathan Alforo, 12, at Roxan Calibugan.

Kabilang naman sa mga nailigtas sina Bernafe Mandao Sabanal , 30; Marion Trigo Nanong, 41; Anabelle Alfuro, 46; Ivy Galay Manyacap, 18; Juli Mark Mandao Sabanal, 15; Robelyn Suco Alfuro , 29; Richard Mandao Galay , 36; Bernadette Mandao Laranio, 37; Uzil Jean Plando, 9; Kenneth Alfuro Bajao , 5; Sam Laranio Alfuro, 18; at Conchita Cagumbay Alfuro, 58.

Batay sa ulat ng MDRRMO, galing ang mga biktima sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental at pauwi na sana sa Zamboanga del Sur nang maganap ang aksidente.

Nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng sasakyan habang tumatawid sa spillway ng Dapitan river kaya’t nahulog ito sa ilog na naging sanhi ng kamatayan ng apat na pasahero.

Patuloy ang imbestigasyon sa aksidente.