Calendar

BI agents nakorner Koreanong wanted sa Seoul sa kidnap, gulpi
NATIMBOG ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang South Korean na lalaki na wanted sa Seoul dahil sa pagkidnap at pananakit sa kanyang kababayan limang taon na ang nakalipas.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Jang Seongwoong, 47, na naaresto noong Mayo 22 sa Pasay City ng mga miyembro ng BI Fugitive Search Unit (FSU).
Nasa listahan si Jang ng mga wanted ng BI mula pa noong 2021 nang ipag-utos ng board of commissioners ang kanyang deportasyon dahil sa pagiging hindi kanais-nais na dayuhan.
“Naaresto siya sa bisa ng isang warrant of deportation na inilabas bilang pagsunod sa naturang utos. Kasama rin siya sa aming blacklist, na magpakailanman nagbabawal sa kanya na muling makapasok sa bansa,” ani Viado.
Batay sa pagsusuri ng kanyang travel record, nagtatago si Jang sa bansa mula noong dumating bilang turista noong Mayo 1, 2017 kaya lumagpas na sa itinakdang panahon ng pananatili.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, mayroong red notice ang South Korean mula sa Interpol na inilabas noong Hulyo 2019.
Bago pa man ang Interpol notice, isang warrant of arrest ang inilabas ng Daegu district court sa Korea laban kay Jang dahil sa pananakit at pagkidnap.
Ayon sa mga awtoridad, si Jang at ang kanyang mga kasamahan ikinulong at binugbog ang biktima na may utang sa kanila dahil sa pagsusugal sa pamamagitan ng baseball bat.
Nakakulong ang Koreano sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang naghihintay ng deportasyon.