BI

BI chief nagalak sa pagkakatimbog sa 3 suspek sa pamemeke ng departure stamps

Jun I Legaspi Feb 22, 2025
15 Views

IKINATUWA ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakaaresto ng tatlong suspek sa pamemeke ng departure stamps noong Pebrero 14.

Sinabi ng opisyal na ang pagbabantay sa mga hangganan ng bansa mahalaga sa pambansang seguridad at alinsunod sa vision ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mas ligtas na border management.

Sumailalim ang tatlong naarestong umanong mga miyembro ng sindikato sa entrapment ng Manila International Airport Authority Airport Police Department (MIAA-APD) matapos mabiktima ang ilang Pilipino ng human trafficking.

Batay sa ulat, naniningil ang sindikato ng hanggang P120,000 sa kanilang mga biktima kapalit ng pekeng immigration departure stamp upang maisakatuparan ang kanilang ilegal na pag-alis sa bansa at makapagtrabaho bilang turista sa ibang bansa.

Kinumpirma ng forensic documents laboratory ng BI na peke ang mga stamp na ginamit sa dalawang babaeng biktima noong Enero 1 at 21.

Nagpasalamat si Viado sa MIAA-APD sa kanilang agarang aksyon at sinabing: “This successful operation is a testament to the importance of collaboration in law enforcement.”