Calendar

BI dinampot Tsino na posibleng may koneksyon sa illegal na POGO
INARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national dahil sa umano’y pagkukunwaring isang Pilipino at posibleng koneksyon sa mga ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Kinilala itong si na si Xu Shiyan na ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado ay isang incorporator ng isang korporasyon, batay sa ulat mula kay Melody Penelope Gonzales, pinuno ng BI Mindanao Intelligence Task Group (MITG).
Ayon sa pahayag ng BI, isinagawa ang pag-aresto bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa mga ilegal na dayuhang aktibidad at operasyon ng offshore gaming sa bansa.
Kabilang sa mga incorporator ng nasabing korporasyon ay isang kontrobersyal na personalidad na dating iniimbestigahan ng Kongreso dahil sa umano’y kanyang pagkakasangkot sa mga ilegal na POGO sa Pilipinas.
Sa pagkakadakip kay Xu, nakuha sa kanyang pag-iingat ang maraming dokumentong Pilipino tulad ng mga birth certificate, Philsys slip, SSS at UMID forms, Postal ID, TIN ID, driver’s license, at COMELEC registration slip, lahat ay nakapangalan sa kanya.
“We will not allow foreign nationals to abuse our systems, falsify their identities, and use Philippine documents to cover their tracks,” ani Viado. “Buong suporta ang Bureau sa kampanya ng Pangulo na linisin ang bansa mula sa mga dayuhang kriminal na sangkot sa ilegal na POGO.”
Patuloy ang imbestigasyon sa kasong ito habang nakikipag-ugnayan ang BI sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan upang tukuyin kung sinu-sino pa ang sangkot sa naturang modus.