BI

BI hindi pinaalis 2 babae na nagpanggap na turista sa Thailand

Jun I Legaspi Feb 17, 2025
34 Views

HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang babae na nagkukunwaring magbabakasyon sa ibang bansa.

Iniulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI na dalawang babae, 25-anyos at 31-anyos, ang nagtangkang umalis papuntang Bangkok, Thailand para magbakasyon o magtrabaho.

Ayon sa dalawa, call center agents sila sa BPO sa Quezon City at maglalakbay para mag tourist.

Gayunpaman, nang iprisinta ang kanilang mga dokumento, napansin ng mga opisyal ang mga hindi tugmang impormasyon sa kanilang mga unang pahayag.

Matapos ang karagdagang pagtatanong, inamin ng dalawa na hindi talaga sila magkakatrabaho, kundi na-recruit sila upang magtrabaho sa Laos bilang mga customer service representative (CSR) na may sahod na P50,000 kada buwan.

Inamin din nilang nagbayad sila ng P3,000 sa isang fixer na nakilala nila sa social media para makagawa ng mga dokumento na magmumukhang sila’y magkakatrabaho.