BI Source: Bureau of Immigration

BI inaresto hinihinalang miyembro ng Luffy Gang

Jun I Legaspi Mar 15, 2025
32 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Hapones na hinihinalang miyembro ng notoryus na Luffy Gang, isang sindikatong sangkot sa mga kaso ng pagnanakaw at panloloko sa Japan.

Kinumpirma ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang pagkakaaresto kay Natsuki Kimura, 33, sa Ayala Avenue, Makati City noong Biyernes.

Ayon kay Viado, inaresto si Kimura batay sa warrant of arrest mula sa BI Board of Commissioners na inilabas noong Marso 2023, na nag-aatas ng kanyang deportasyon bilang isang “undesirable alien.”

Si Kimura ay isa lamang sa ilang hinihinalang miyembro ng Luffy Gang na nadakip ng BI matapos ipagbigay-alam ng gobyerno ng Japan ang presensya ng kanilang grupo sa Pilipinas.

“Katulad ng kanyang mga kasamahan sa sindikato, siya ay ipade-deport, ilalagay sa blacklist, at hindi na muling papayagang makapasok sa bansa,” pahayag ni Viado. Dagdag niya, agad na ibibiyahe pabalik ng Japan si Kimura kapag natapos na ang lahat ng kinakailangang proseso at maiproseso na ang kanyang airline ticket.

Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, may nakabinbing arrest warrant laban kay Kimura na inilabas ng isang Tokyo summary court noong nakaraang taon dahil sa kasong pagnanakaw.

Siya at ang kanyang kasabwat ay inakusahan ng pagnanakaw ng mga ATM card sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga pulis upang lokohin ang kanilang mga biktima at makuha ang kanilang personal na impormasyon.

Bukod dito, si Kimura umano ay nagsilbing telephone operator ng Luffy Gang para sa kanilang pandaigdigang operasyon ng panloloko.

Sa ngayon, nananatili siyang nakakulong sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang kanyang deportasyon.