BI

BI: Mag-ingat sa mga pekeng trabaho abroad

Jun I Legaspi Nov 13, 2025
535 Views

MULING nanawagan si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado na wakasan na ang human trafficking matapos ma-repatriate ang 346 biktima mula Myanmar noong Nobyembre 12.

Ang mga na-repatriate, na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sakay ng Philippine Airlines flight PR8502, ay nailigtas mula sa mga scam hub na nag-o-operate sa mga border area ng Myanmar.

“Ang trafficking ng ating mga kababayan patungo sa mga scam hub na ito ay isang anyo ng makabagong pagkaalipin,” ani Viado.

Dagdag pa ni Viado, ang repatriation ay nagpapakita ng matibay na pangako ng pamahalaan na protektahan ang mga Pilipino sa ibang bansa at maiuwi ang mga nabiktima ng cross-border trafficking schemes.

Muling nagbabala ang BI sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga online job recruiter na nag-aalok ng trabaho sa mga karatig-bansa sa Asya lalo na sa mga rehiyong kilala sa pagpapatakbo ng scam hubs.

Ang mga na-repatriate ay kasalukuyang sumasailalim sa debriefing at reintegration na isinasagawa ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan.