Calendar
BI nag-warning sa mga modus ng mga human trafficker
NAGBABALA si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado tungkol sa mga scheme na ginagamit ng mga human trafficker.
Ibinahagi ni Viado ang mga detalye ng pinakahuling insidente noong Enero 20, kung saan tatlong biktima—27, 25, at 42 anyos—ang naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 habang sinusubukang umalis patungong Vietnam kasama ang kanilang pinaghihinalaang employer.
Ang trafficker at ang kanyang mga biktima ay nagpakilalang mga officemate na patungong Vietnam bilang insentibo sa kanilang trabaho.
Sa isang panayam, inamin ng mga biktima na pagkatapos ng kanilang biyahe sa Vietnam, balak nilang magtrabaho nang iligal sa Bulgaria nang walang tamang dokumentasyon.
Ang karagdagang imbestigasyon ay nagpakita na inalok ng trafficker ang mga biktima ng pangako na walang bayad o singil para sa biyahe.
“The tactic of promising no upfront fees or charges often leaves victims indebted to their recruiter, as their passports and salaries are often withheld,” sabi ni Viado.
“Ang scheme ng diumano’y salary deduction ay talagang debt bondage, isang anyo ng human trafficking,” dagdag pa niya.
Ang mga biktima ay na-turn over na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong, habang ang trafficker ay nahaharap sa posibleng kaso sa ilalim ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.