BI Source: Bureau of Immigration

BI nailigtas biktima ng ‘mail-order-bride’ scheme

Jun I Legaspi Jan 20, 2025
10 Views

NAILIGTAS ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isa na namang babaeng biktima ng hinihinalang mail-order-bride scheme nitong Enero 14.

Iniulat ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI ang pagharang sa 22-anyos na biktima bago pa ito makasakay ng flight ng Philippine Airlines patungong Shanghai, China.

Sa simula, sinabi ng biktima na bibisitahin lamang niya ang asawang Tsino.

Gayunpaman, naghinala ang mga opisyal dahil sa mga hindi tugmang pahayag at dokumentong ipinakita nito.

Ayon sa biktima, kamakailan lamang siyang ikinasal sa sinasabing asawa matapos ang tatlong taong relasyon. Subalit, hindi tugma ang kaniyang mga sagot tungkol sa detalye ng kanilang kasal.

Sa kalaunan, inamin ng biktima na nakilala niya ang asawa sa isang online app noong Nobyembre 21, personal silang nagkita kinabukasan, at nagpakasal dalawang araw matapos iyon kapalit ng P50,000 na pantulong sa kaniyang pamilya.

Naalala rin ng biktima na tinanong siya ng kaniyang asawang Tsino kung tumatanggap siya ng komisyon sa bawat Filipinang inirerefer niya, ngunit itinanggi niya ito.

“Social media makes recruitment for this scheme quick,” ayon kay Viado. “In previous cases, Filipinas are trapped in these pseudo-marriages and are made to do domestic work without pay because they are ‘married’ already to their foreign partners,” dagdag pa niya.

Ang biktima ay isinailalim sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking para sa masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.