BI

BI nakorner Tsino na nagkunwaring Pinoy

Jun I Legaspi May 19, 2025
24 Views

INARESTO ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI)-Region 7 ang Chinese national na nagpanggap na Pilipino sa Liloan, Cebu noong Mayo 14.

Hinihinalang nagpapatakbo ng trading company habang nagpapakilalang Pilipino ang suspek na si Wang Chaoxin, 32.

Ayon sa BI, bahagi ang pag-aresto sa suspek sa pinaigting na kampanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang soberanya ng bansa laban sa mga dayuhang sangkot sa ilegal na gawain.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, bukod kay Wang, apat pa ang naaresto sa operasyon.

May working visa ang talong iba pa ngunit natuklasang nagtatrabaho sa kumpanyang hindi sang-ayon sa kanilang inaprubahang petisyon, habang ang isa naman walang kaukulang permit sa pagtatrabaho.

Nabatid na si Wang gumagamit ng pekeng pagkakakilanlan bilang Pilipino at nakakuha umano ng Philippine driver’s license, birth certificate at nairehistro pa ang kanyang kumpanya sa ilalim ng peke niyang pangalan.

“Patunay ang operasyong ito sa matibay na ugnayan ng Bureau of Immigration sa iba’t-ibang ahensya ng ating pamahalaan,” pahayag ni Viado.