BI1

BI nasagip 6 na bibiktimahin ng human traffickers

Jun I Legaspi Nov 13, 2025
498 Views

NAPIGILAN ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Nob. 8 ang tangkang pag-traffick sa anim na biktima na nirekrut ng isang dating POGO worker upang magtrabaho sa isang scam hub sa Cambodia.

Hinarang ng mga opisyal mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ang pitong pasahero—tatlong lalaki at apat na babae—sa NAIA Terminal 3 matapos tangkaing sumakay sa Cathay Pacific flight patungong Vietnam.

Una nilang sinabi na sila ay magbabakasyon sa Ho Chi Minh City bilang magkakaibigan sa loob ng dalawang araw.

Nagduda ang mga primary inspection officers sa kanilang itinerarya at ipinasa sila sa I-PROBES para sa masusing beripikasyon.

Sa isinagawang panayam, inamin ng mga biktima na sila ay nirekrut upang magtrabaho sa Cambodia, sa isang kompanyang pinaniniwalaang konektado sa mga regional scam hub.

Tatlo sa kanila ang napatunayang bahagi ng proseso ng pagre-recruit, kabilang ang isa na umamin na dati siyang nagtrabaho sa isang POGO company.

“Nakikita na natin ngayon ang ugnayan ng mga nagsarang POGO companies sa Pilipinas at mga scam hub sa ibang bansa,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Nanawagan si Viado sa publiko na umiwas sa pagtanggap ng mga alok mula sa mga recruiter.

Ayon sa mga repatriated victims, sila ay nakaranas ng pang-aabuso, torture, at electrocution habang nagtatrabaho sa naturang mga kompanya.