POGO Source: BI

BI patuloy pagpa-deport ng illegal POGO workers

Jun I Legaspi Jun 18, 2025
13 Views

NAGPATUPAD ng panibagong deportation ang Bureau of Immigration (BI) noong Hunyo 17 laban sa mga ilegal na POGO workers.

Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking mahigpit na ipinatutupad ang mga batas sa imigrasyon.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, 100 Chinese nationals ang ipina-deport mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Isinakay sila sa Philippine Airlines na patungong Shanghai nitong Martes ng umaga.

Ang mga dayuhang ito ay nasa kustodiya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) matapos masampahan ng kaso dahil sa paglabag sa mga batas ng imigrasyon. Naaresto sila sa magkakahiwalay na operasyon sa Pasay, Cavite, at Parañaque nitong unang bahagi ng taon.

Nagpasalamat si Viado sa matibay na pakikipag-ugnayan ng PAOCC sa kampanya kontra ilegal na dayuhang manggagawa. Aniya: “Ipinapakita ng kanilang pagpapaalis na hindi maaaring gawing kanlungan ang Pilipinas ng mga dayuhang umaabuso sa ating kagandahang-loob at lumalabag sa ating mga batas.”

Dagdag pa niya, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng BI sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang wakasan ang mga ilegal na operasyon ng POGO sa bansa.

“Bahagi ito ng mas malawak naming hangarin na buwagin ang ilegal na ecosystem ng POGO at panatilihing ligtas at may integridad ang ating mga hangganan.”