Calendar
BI sinagip 2 muntik mabiktima ng human trafficking
DALAWANG pasahero na pinaghihinalaang biktima ng illegal recruitment at human trafficking sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang hinarang ng Bureau of Immigration (BI) agents noong Mayo 4 sa NAIA Terminal 3.
Ang dalawa–isang lalaki, 31; at babae, 30–naharang habang tinatangkang lumipad patungong Bali, Indonesia sakay ng Cebu Pacific.
Sa imbestigasyon, lumabas na ang tunay nilang destinasyon ay Batam, Indonesia kung saan sila nakatakdang magtrabaho bilang customer service representative at online gaming live streamer.
Una nilang ikinubli ang kanilang pakay sa pagpapanggap bilang turista. Subalit sa secondary inspection, inamin nilang sila ay na-recruit para sa trabaho sa ibang bansa sa ilalim ng kahina-hinalang kalakaran.
Batay sa rekord, nabiktima na ng trafficking noong 2024 ang dalawa ng makalabas sila ng bansa sa pamamagitan ng “backdoor routes” upang magtrabaho sa Cambodia.
Nakabalik sila sa Pilipinas noong 2025 pero muling nagtangkang umalis sa parehong mapanganib na paraan.
Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa publiko laban sa mga mapanlinlang na recruitment schemes, lalo na sa mga paulit-ulit na pagtatangka na naglalagay sa mga indibidwal sa matinding panganib.
“Alarming na kahit dati nang nabiktima, may ilan pa ring nahuhulog sa parehong patibong. Ipinapakita nito ang patuloy na pagbabago ng mga taktika ng trafficking syndicates.
Nanawagan kami sa ating mga kababayan na maging mapagmatyag,” sabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ini-refer ng BI ang mga pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa nararapat na tulong.
