Foreign fugitive Source: Bureau of Immigration

BI sinipa palabas ng PH 2 dayuhang pugante

Jun I Legaspi Dec 11, 2024
20 Views

BINALAAN ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado ang mga dayuhang pugante na magtatangkang pumasok o manatili sa Pilipinas na sila’y maaaresto at madi-deport.

Ginawa ng pinuno ng BI ang pahayag matapos ang deportasyon ng dalawang kilalang pugante.

Iniulat ng ahensya ang deportasyon ng Japanese national na si Sasaki Yohei, 36, patungong Tokyo noong Disyembre 9 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, matapos iulat ng mga awtoridad sa Japan na miyembro ito ng isang Cambodia-based telecom fraud syndicate na sangkot sa kidnapping, illegal detention, extortion, at pandaraya.

Iniulat din ng BI ang pagharang kay Australian national Rodrigo Elices, 32, noong Nobyembre 28 sa NAIA Terminal 3, mula Abu Dhabi. Napag-alaman ng mga opisyal ng BI na may red notice ito mula sa Interpol.

Ibinahagi rin ni Viado ang impormasyon mula sa BI na si Elices ay miyembro ng kilalang gang na “Hells Angels,” isang internasyonal na ipinagbabawal na grupo ng mga motorcycle riders na umano’y sangkot sa mga organisadong krimen tulad ng drug trafficking.

Ayon sa BI-Interpol unit, si Elices ay hinahanap ng mga awtoridad sa Australia bilang miyembro umano ng isang sindikatong kriminal na sangkot sa produksyon at pagbebenta ng mga ilegal na droga at armas sa Sydney. Naiulat din na nakulong si Elices sa Bangkok, Thailand, dahil sa paggamit ng pekeng pasaporte upang makapasok sa bansa.

Si Viado, na dumalo noong Lunes sa isang forum ng mga opisyal ng imigrasyon mula sa iba’t ibang bansa, ay nagsabi na nagkaroon siya ng pagkakataon na makipag-ugnayan sa kanyang mga katuwang mula sa ibang bansa upang talakayin ang mga koordinasyon para mas mahusay na mahuli ang mga pugante.

Iniutos rin niya sa fugitive search unit (FSU) ng BI na paigtingin ang kanilang mga pagsisikap na hanapin at arestuhin ang mga illegal alien na maaaring nagtatago sa bansa, gayundin ang pagsusuri sa mga kasunduan sa pagbabahagi ng datos upang mas mabilis na makatanggap ng impormasyon tungkol sa mga pugante.

“The faster we receive critical information, the faster we can arrest and deport these fugitives. Fugitives have no place in the Philippines,” diin ni Viado.