Calendar
Bidding sa LTO, ipatigil
KAMAKAILAN ay lumutang ang dalawang kumpanya na kapwa supplier ng mga plaka sa bansa para ipanawagan sa pamahalaan na ipatigil ang umano’y “maanomalyang” bidding para sa mga plaka ng motorsiklo ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa mga kumpanyang Erich Utsch AG at J. Knieriem BV, kapwa international supplier ng plaka ng motorsiklo, maanomalya ang bidding na nakatakdang buksan ngayong ika-23 ng Pebrero dahil ang mga opisyal na sangkot sa bidding ay siya ring pinakakasuhan ng Senado.
Kinuwestiyon din nila na kadalasang ginagawa ang bidding sa naturang ahensya tuwing Setyembre ng taon pero ngayon ay tila minadali kung kailan papaalis na sa pwesto sa LTO ang mga opisyal ng gobyerno dahil sa papalapit na halalan.
Nitong 2021, pinakasuhan ng Senado sina LTO Asec. Edgar Galvante at Executive Dir. Romeo Vera Cruz, pinuno ng Bids and Awards Committee (BAC) ng LTO dahil umano sa maanomalyang transakyon sa mga plaka ng motorsiklo sa kumpanyang Trojan .
Ibinunyag pa ng dalawang kumpanya na pinakakasuhan na rin ng graft and corruption ang dalawang opisyal ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) sa ilalim ng pamumuno ni Greco Belgica matapos ang imbestigasyon ukol sa bidding sa plaka.
Sa limang pahinang report ng PACC kay Pangulong Duterte, inirekomenda nito na tanggalin sa serbisyo sina LTO chief Asec. Edgar Galvante at Executive Director Romeo Vera Cruz, pinuno ng Bids and Award Committe ng LTO dahil sa kasong graft and corruption ukol umano sa bidding sa plaka ng motorsiklo.
Lumabas din sa report ni Belgica na malinaw sa kanilang imbestigasyon na nagkaroon ng anomalya sa bidding kaya nararapat lamang na matanggal sa pwesto ang mga nasabing opisyal.
Pero ang nakakapagtaka, hindi na nga natanggal sa pwesto ang dalawang opisyal tila balewala rin ang mga kasong kinakaharap nila dahil patuloy lamang sila sa kanilang trabaho.
Dapat na mapigilan ito dahil kapag nagkataon, tiyak na malaking pera na naman ang makukulimbat sa atin.