Ed Andaya

Big game ni ‘Big Game James’

Ed Andaya Mar 21, 2024
355 Views

AGE doesn’t matter para kay two-time PBA MVP James Yap.

Bagamat hindi na kasing-galing, kasing-bilis at kasing- tibay gaya ng dati, hindi pa din matatawaran ang husay ni Yap kung basketball din lang ang pag-uusapan.

Sa katunayan, hindi nawawala ang pangalan ni Yap sa tuwing nagkakaroon ng masusing usapan ang mga basketball fans sa kanilang mga napanood na magagaling na players simula pa nung itatag ang PBA nung 1975.

At sa hanay ng mga naging PBA MVP, isa din si Yap sa mga pinaka-sikat kung fan popularity din naman ang pag-uusapan.

Sa Purefoods Hotdogs na kung saan matagal siyang naglaro, isa si Yap sa itinuturing na “Apat na Sikat” na players na naging haligi ng team mula pa nung pumasok ito sa PBA nung 1988, kahanay nina Alvin “The Captain” Patrimonio, Jerry “Defense Minister” Codiñera at Marc “Pinoy Sakuragi” Pingris.

Bukod sa dalawang PBA MVP award nung 2006 at 2010, nagpakitang gilas din si Yap matapos pangunahan ang Hotdogs sa seven PBA titles: 2005–06 Philippine Cup 2009–10 Philippine Cup, 2012 Commissioner’s Cup, 2013 Governors’ Cup 2013–14 Philippine Cup, 2014 Commissioner’s Cup, at 2014 Governors’ Cup.

Apat na ulit din siyang naging PBA Finals MVP: 2009–10 Philippine Cup, 2012 Commissioner’s Cup, 2014 Commissioner’s Cup, 2014 Governors’ Cup.

At ngayon nga sa darating na PBA All-Star Weekend 2024 sa Bacolod City ngayong March 23-24, nakatuon muli ang pansin ng lahat kay “Big Game James.”

At bakit naman hindi?

Ang 42-year-old na si James, na ngayon ay naglalaro na sa Blackwater Bossing, ay muling sasabak sa kanyang record 18th All-Star Game na gagawin sa University of St. La Salle sa Bacolod City ngayong weekend.

Kung matutuloy ang kanyang paglalaro, tuluyan niyang malalagpasan ang Fil-Tongan na si Asi Taulava sa listahan ng pinaka-madaming PBA All-Star game appearances.

Sa kasalukuyan, kapwa may tig 17 All-Star Game appearances sina Yap at Taulava, higit ng isa kay Patrimonio.

Sa PBA All-Star 2024 sa Bacolod, lalaro ang sikat na player mula Escalante, Negros sa harap ng madami niyang kababayan para sa Team Mark Barroca, na sasabak laban sa Team Japeth Aguilar sa main highlight ng taunang pakulo ng Asia’s first play-for-pay league.

Makakasama nina Yap at Barroca sa kanilang team na papatnubayan ni coach Jorge Gallent sina June Mar Fajardo, Jason Perkins, CJ Perez, Robert Bolick, Jio Jalalon, Ian Sangalang, Calvin Abueva, Jayson Castro, Gabe Norwood, Ricci Rivero, Cliff Hodge, Juami Tiongson at Nards Pinto.

Makakatapat nila sa Team Japeth ni coach Tim Cone sina Aguilar, Christian Standhardinger, Paul Lee, Calvin Oftana, Jamie Malonzo, Chris Newsome, Don Trollano, Marcio Lassiter, Arvin Tolentino, Maverick Ahanmisi, Stanley Pringle, Terrence Romeo, RR Pogoy at Aris Dionisio.

Bukod dito, magpapasiklab din ang dating University of the East hotshot sa All-Star Three-Point Shootout sa Sabado.

Makakatapat ni Yap sina defending champion Paul Lee, Maverick Ahanmisi, Alec Stockton, Chris Newsome, Robbie Herndon, Arvin Tolentino, Ken Tuffin, Andrei Caracut, Marcio Lassiter, Javi Gomez de Liano at Calvin Oftana.

NOTES– Congratulations sa Ramon Magsaysay Elementary School na nagdiwang ng ika-78th anniversary nito nung March 15. Isa ang inyong lingkod sa mga proud na nagtapos sa RMES nung 1977…

Happy birthday kay People’s Tonight sports columnist Lito Cinco, na nagdiwang ngayong March 21…

Gayundin kina NorthPort Batang Pier team owner Mikee Romero (March 21), Edu Kho (March 21), Joseph Realista (March 21), Roy Luarca (March 22), Bien Zoleta (March 22), Jing Arroyo (March 22) at Mavelle Durian (March 23).

Para sa mga komento at suhestiyon. mag email sa [email protected]