Navotas

Bigas binebenta na ng P20/kilo sa Novatas City; pinipilahan

Edd Reyes May 15, 2025
20 Views

DINUDUMOG ng publiko ang P20 kada kilong bigas ng Department of Agriculture (DA) sa Navotas City.

Kabilang sa mga pumila sa murang bigas ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at solo parents na puwedeng makabili hanggang 10 kilo kada linggo.

Dalawang lugar sa lungsod ang dinalhan ng kabuuang 75 sako ng bigas ng DA, kabilang ang Kadiwa Center sa Navotas City Hall at ang Agora Market sa North Bay Boulevard.

Suportado ni Mayor John Rey Tiangco ang programa ng DA na layuning maibsan ang epekto ng tumataas na bilihin at matiyak na may sapat na pagkain ang mga nakararaming Pilipino.

Ipinatupad ng DA ang naturang proyekto sa pamamagitan ng Food Terminal Inc. at pakikipag-partner sa mga lokal na pamahalaan.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Tiangco kay Pangulong Bongbong Marcos at sa DA sa matagumpay na proyekto.

“Sa halagang P20 kada kilo, makakasigurado tayong hindi lang mura kundi de-kalidad na bigas ang mabibili ang bawat Navoteño, lalo na ang nasa vulnerable sectors,” sabi ni Mayor Tiangco.