Calendar
Biktima ng bagyo dapat tulungan, utos ni PBBM sa DHSUD
BILANG pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tulungan ang mga biktima ng bagyong Crising, inihahanda na ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang tulong para sa mga nasalanta ng bagyo.
Inatasan ni DHSUD Undersecretary for Disaster Response Henry Yap ang mga Regional Offices (ROs) sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo na makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno para sa maayos na paghahatid ng tulong pagkatapos ng sakuna.
Nanawagan si Undersecretary Yap sa mga pangunahing ahensya ng pabahay ng DHSUD—Pag-IBIG Fund, Social Housing Finance Corporation, National Home Mortgage Finance Corporation, at National Housing Authority—na magbigay rin ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
“Ayon sa utos ni Secretary Ping (Aliling), ang mga pangunahing ahensya ng pabahay ng DHSUD ay kailangang gamitin ang lahat ng paraan upang matulungan ang mga biktima ng bagyo, at agad itong ipatupad sa lalong madaling panahon,” ani Yap.
Ayon sa ulat ng DSWD noong Sabado, 276 na bahay ang nasira dahil sa bagyong Crising.
“Inaatasan ang lahat ng ROs sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo na makipag-ugnayan sa mga LGU at iba pang katuwang na ahensya at agad na tipunin ang kani-kanilang shelter clusters upang matukoy ang lawak ng kinakailangang tulong,” ani Yap.
Bilang agarang tulong, maaaring magpadala ang DHSUD, sa pakikipagtulungan sa mga NGO, ng shelter-grade tents na maaaring gamitin bilang pansamantalang tirahan ng mga biktima.
Batay sa NDRRMC Memorandum No. 05 Series of 2022, itinalaga ang DHSUD bilang tagapangulo ng national government shelter cluster na may tungkuling magbigay ng tulong sa pabahay pagkatapos ng sakuna.
Sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr., inilunsad ng DHSUD ang Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) na nagbibigay ng walang kondisyong tulong pinansyal na P30,000 para sa mga pamilyang lubusang nasira ang bahay at P10,000 para sa mga bahagyang nasira.