Calendar

Biktima ng kalamidad sa Malabon libre na kumuha ng birth, marriage, death certificate
NILAGDAAN ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang ordinansa kaugnay sa hindi na pagbabayad ng birth, marriage, at death certificate ng mga biktima ng kalamidad sa lungsod.
Sa ilalim ng City Ordinance No. 11-2025 na tinawag na “Documentary Relief Assistance to Fire and Other Victims of Natural Calamities Ordinance” hindi na kailangan pang magbayad ng mga kinakailangang dokumento ang pamilyang nabiktima ng sunog at iba pang uri ng kalamidad at libre na rin para sa kanila ang authentication bayad sa verification fees.
Sinabi ni Mayor Jeannie na malaking tulong ang naturang ordinansa para maibsan ang mabigat na pasanin ng mga nasalanta ng kalamidad dahil madali na nilang makukuha ang kinakailangang ayuda ng lokal na pamahalaan para muling makapagsimula ng bagong buhay.
Ang mga benepisyaryo ay puwedeng makipag-ugnayan sa sa tanggapan ng City Civil Registry at City Social Welfare and Development Office para makakuha ng exemption sa loob ng isang taon mula sa petsa ng insidente.
Nakapaloob din sa ordinansa na isang beses lang puwedeng makakuha ng ayuda ang mga kuwalipikadong benepisyaryo tulad ng mga may-ari ng nasunog na bahay, kanyang asawa, magulang, anak, o legal na tagapangalaga.