bro marianito

Bilang mga Kristyano obligasyon natin ang ibigin at patawarin ang ating mga kaaway dahil sa ganoon din ang Diyos sa atin (Mateo 5:43-48)

177 Views

“Narinig ninyong sinabi. Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway. Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo,” (Mateo 5:43-44)

MADALI mo bang mapapatawad ang taong nakagawa sa iyo ng malaking kasalanan? Kaya mo bang mapatawad ang isang taong may malaking atraso sa’yo na sa halip humingi ng paumanhin o mag-sorry dahil sa kaniyang kasalanan ay mistulang nagmamalaki at mataas pa ang pride?

Kapag ganito ang asal ng taong iyon. Sa halip na humupa ang galit o ngitngit mo sa kaniya ay lalo ka lamang magpupuyos. Marahil anino pa lamang ng taong ito ang makita mo ay hindi mo talaga maiiwasang magliyab sa sobrang galit na para bang gusto mo na siyang kainin ng buhay. (wow grabe!)

Para bang gusto mong sabihin sa kaniya ng harap-harapan ang mga salitang ito: “Isang bala ka lang! “Gawa na ang balang papatay sa’yo! “Puno na ang salop, kaya dapat ka nang kalusin” (matindi talaga, FPJ ikaw ba yan?). Parang mala-pelikula tuloy ang dating ng galit mo duon sa taong iyon.

Subalit pakatandaan lamang natin na kung ikaw ay mayroong mahinang pananalig o pananampalataya sa Panginoong Diyos ay madali ka talagang kakainin ng iyong galit hanggang sa tuluyan ng bulagin at lamunin ng iyong emosyon. Katulad ng nangyari sa kuwento nina Cain at Abel sa Aklat ng Genesis. (Genesis 4:1-16)

Hindi madali ang magpatawad sa ating mga kaaway. Subalit mas mahirap ang kinikimkim nating galit at ngitngit sa ating kalooban o dibdib laban sa taong nakagawa sa atin ng pagkakamali. Hindi madali ang magpatawad ngunit maaari naman natin sigurong pag-aralan ang magpatawad.

MENSAHE NG EBANGHELYO:

Ngayong nalalapit na ang Mahal na Araw (Holy Week), itinuturo sa atin ng Mabuting Balita (Mateo 5:43-48) na ibigin ang ating mga kaaway at ipanalangin ang mga taong umuusig sa atin. Sapagkat tayo mismo na mga makasalanan ay nagawang ibigin ng Diyos sa kabila ng napakaling pagkukulang natin sa kaniya.

Kung tutuusin sa dami ng mga kasalanang ginawa natin. Hindi lamang iisang beses tayong nagkasala kundi paulit-ulit na nagkakasala ay nagagawa parin ng Panginoon na ibigin tayo at patawarin kahit hindi tayo karapat-dapat para dito. Maaari na tayong ituring na kaaway ng Diyos dahil masama ang ginagawa natin.

Kaya ang ipinapaalaala sa atin ng Ebanghelyo ay kung ang Panginoon mismo ay nagawa tayong ibigin at patawarin sa ating napakaraming mga kasalanan. Bakit hindi rin natin kayang gawin ito para sa mga taong nakagawa sa atin ng pagkakamali maliit man o malaki ang kanilang kasalanan.

Naaalala pa ba natin ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi marunong magpatawad? (Mateo 18:21-35). Mababasa natin dito na pinatawad ng Hari ang kaniyang lingkod sa napakarami niyang pagkaka-utang.

Subalit ang lingkod na ito na pinatawad ng Hari sa dami ng kaniyang utang ay hindi naman niya kayang patawarin ang kapwa niya alipin na may maliit lamang na pagkaka-utang. Kaya ipinakulong siya ng Hari hanggang sa mabayaran nito ang kaniyang utang. (Mateo 18:34)

MAKATARUNGAN ANG DIYOS:

Kagaya nang nabasa natin sa talinghagang ito. Ganoon din ang ating Panginoong Diyos para naman sa atin na kaniyang mga anak. Hindi niya matitiis ng Diyos na makita ang kaniyang mga anak na mapahamak ang kaluluwa sa impiyerno kaya niya tayo iniibig at pinapatawad sa ating mga kasalanan.

Walang pinipili at tinatangi ang pag-ibig ng Diyos. Sapagkat kahit sobrang bigat na ng ating mga pagkakasala ay iniibig pa rin niya tayo, kahit minsan ay hindi na tayo kayang patawarin ng isang ordinaryong tao dahil sa mga kasalananan natin. Ngunit iba parin umibig ang Panginoon sa kaniyang mga anak.

Subalit tandaan natin na kung hindi natin kayang magpatawad at umibig sa ating kapwa ay ganoon din ang Diyos para sa atin, hindi rin tayo mapapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan. Patatawarin tayo ng Diyos subalit kailangan mauna muna tayong magpatawad sa mga nagkasala sa atin.

“Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo. Patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa Langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan”. (Mateo 6:14-15)

Hinahamon ng Pagbasa ang ating pananampalataya bilang isang Kristiyano o Katoliko na kung totoong nanalig tayo sa Panginoon ay magagawa rin natin ang ibigin hindi lamang ating mga kasundo kundi pati ang mga taong kinasusuklaman natin. Tulad ng Diyos na sinasampalatayahan natin.

“Upang kayo’y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa Langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama. At nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid”. (Mateo 5:45)

Kung nais natin na maging tunay na mga anak ng Diyos ay gagawin din ang ginagawa niya dahil hindi naman maaaring maging “class A” o half-original o half fake” ang ating pananapalataya tayo sa Panginoon. Sapagkat sinasabi ng Ebanghelyo na kailangang tayong maging ganap tulad ng Diyos na isang ganap.

“Kaya maging ganap kayo. Kagaya ng inyong Ama na nasa Langit”. (Mateo 5:48) Maaaring ikatuwiran natin na iba ang Diyos at iba naman tayo. Marahil ay tama ang ating pananaw dahil magka-iba tayo ng standard ng Panginoon.

Pero tandaan natin na TAO LAMANG TAYO AT HINDI TAYO ANG DIYOS. Mas makapangyarihan pa ba tayo kesa sa totoong Diyos?

Hindi madali ang magpatawad at ibigin ang ating mga kaaway at mga taong kinamumuhian natin. Ngunit maaari naman natin ipaubaya sa Diyos ang nating mga galit upang liwanagin niya ang ating isipan. Hindi madali para sa atin, subalit madali para sa Panginoon dahil walang imposible sa kaniya.

AMEN