Bilang ng walang trabaho kumonti—PSA

157 Views

Nabawasan ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho, ayon sa Philippine Statistic Authority (PSA).

Batay sa November 2022 Labor Force Survey ang bilang ng mga edad 15 taong gulang pataas na walang trabaho ay nasa 2.18 milyon, mas mababa sa 2.24 milyon na naitala noong Oktobre 2022 at sa 3.16 milyon na naitala noong Nobyembre 2021.

Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa ito ang pinakamababang unemployment rate na naitala mula noong Abril 2005.

Ang bilang naman ng mga may trabaho ay naitala sa 49.71 milyon, tumaas mula sa 47.11 milyon noong Oktobre 2022. Mas mataas din ito sa 45.47 milyon na naitala noong Nobyembre 2021.

Sinabi ni Mapa na kalimitang tumataas ang bilang ng mga may trabaho kapag magpapasko.

Ang bilang naman ng mga underemployed o mga tao na nais na magdagdag ng oras ng pagtatrabaho o maghanap ng dagdag pang trabaho ay bahagyang tumaas.

Mula sa 6.67 milyon noong Oktobre 2022 ito ay tumaas sa 7.16 milyon noong Nobyembre 2022.