Khonghun

Binalangkas ng House Committee on Justice susunod na hakbang para sa impeachment proceedings

Mar Rodriguez Mar 25, 2026
92 Views

BINALANGKAS ng House Committee on Justice ang mga susunod na hakbang nito kaugnay sa pormal na pagsisimula ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte matapos itong hindi magpakita sa unang araw ng pagdinig.

Itinakda ng Justice Committee ang pagkakasunod-sunod ng mga pagdinig para sa “probable cause” laban sa Bise Presidente kung saan binalangkas na ang susunod na hakbang para ipagpatuloy ang impeachment proceedings.

Ang susunod na pagdinig ay nakatakda sa Abril 14 kung saan inaksiyunan ng Chairman ng Justice Committee na si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” A. Luistro ang mosyon ni House Deputy Speaker at Zambales Rep. Jay Khonghun na ayusin ang paglalahad ng mga ebidensiya.

Bukod dito, nakapaloob din sa mosyon ni Khonghun ang sabay na pagtalakay sa dalawang natitirang reklamo o impeachment complaint nina Saballa at Cabrera.

Iminumungkahi rin ng kongresista ang pagpa-pangkat (grouping) ng mga magka-kaparehong alegasyon upang magsilbing gabay sa Komite sa pagtukoy ng probable cause dahil sa mga nagpapatong na ebidenisya at mga saksi sa impeachment case.

“For the purpose of our next hearing on April 14, the Committee should consider adopting the sequence of the grounds and receive the evidence for both impeachment complaints jointly, considering that they may have common evidence,” ayon kay Khonghun.

Inilatag ni Khonghun ang isang maayos na pagkakasunod-sunod o outline na magsisimula sa mga alegasyong may kaugnayan sa maling paggamit ng confidential funds. Susundan ng mga isyung kinasasangkutan ng Department of Education (DepEd).

Kasunod naman nito ay ang mga reklamong may kinalaman sa panunuhol at korapsiyon.