Nakaw

Binata tumangging sumama sa pagnanakaw binaril, sugatan

Gil Aman Jun 28, 2025
286 Views

SUGATAN ang 24-anyos na binata na binaril ng kanyang kasama matapos tumangging sumama sa pagnanakaw noong Biyernes sa Brgy. Dila, Bay, Laguna.

Ginagamot dahil sa tama ng bala si alyas Alvin at tumakas naman ang bumaril na si alyas Zander, ayon sa report.

Kasamang tumakas ni alyas Zander gamit ang kanilang Mio motorcycle ang isa pang kakutsaba sa gagawing krimen.

Nangyari ang pamamaril sa biktima bandang alas-3:30 ng madaling araw.

Nabatid sa report na magkakaangkas ang tatlo at napagkaisahan magnakaw subalit tumanggi ang biktima kaya pinababa sa motorsiklo.

Matapos makababa, doon na binaril ng suspek ang biktima at saka tumakas papunta sa Calamba.

Nakatakdang sampahan ng kasong frustrated murder ang itinuturong suspek sakaling madakip, ayon sa pulis.