Binatilyo

Binatilyo nalaglag sa motor, nahulog sa tubig, nalunod

Bernard Galang Nov 19, 2025
453 Views

MACABEBE, Pampanga — Isang 17-anyos na lalaki ang pinaniniwalaang nalunod sa Kalsadang Bayu sa Barangay Sta. Rita dito noong Martes.

Sa ulat kay PRO3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., sinabi ng Pampanga police na ang biktima ay residente ng Pabahay Sto. Niño, Masantol.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, isang nagdaraan ang nakapansin sa nakalutang na bangkay sa tabi ng kalsada kaya agad niyang ipinagbigay-alam ito sa mga awtoridad.

Sinabi ng pulisya na bago ang insidente, namataan ang biktima na nakikipag-inuman sa mga kamag-anak sa Masantol at pagkatapos ay sumakay sa kanyang motorsiklo para umano bumili ng meryenda sa Macabebe.

Ayon pa sa mga pulis, habang pauwi and biktima, pinaniniwalaang nawalan ng kontrol ito at nahulog sa malalim na bahagi ng tubig sa gilid ng kalsada, kung saan siya nalunod.

Natagpuan din ang kanyang motorsiklo sa lugar.

Agad isinugod ang lalaki sa Macabebe District Hospital sa Barangay Batasan ngunit idineklara itong dead on arrival.

Wala umanong nakitang palatandaan ng foul play at walang nawalang personal na gamit.

Nag-execute rin ng waiver ang ama ng biktima na tumatanggi sa pagpapasagawa ng autopsy.

Pinapaalalahanan ng mga awtoridad ang mga motorista na mag-ingat sa pagbibiyahe lalo na sa mga lugar na malapit sa daluyan ng tubig at kulang sa mga proteksiyon o harang.