Sinaksak

Binatilyo pinagtulungan ng grupong nakaalitan, patay

372 Views

NASAWI ang isang 17-anyos na binatilyo matapos pagtulungan ng grupo ng mga menor de-edad na matagal na umanong nakaalitan ng biktima, Biyernes ng gabi sa Barangay Payatas, Quezon City.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), naglalakad ang biktima kasama ang ilang kaibigan sa Upper Molave Street nang makasalubong ang grupo ng mga suspek na pawang mga menor de-edad din.

Sinabi sa ulat na sinadya umanong banggain ng isa sa mga suspek ang biktima na nauwi sa sakitan. Tinangka pang tumakas ng biktima ngunit hinabol at naabutan ng mga suspek.

Isa sa mga suspek ang bumunot ng patalim, may mga saksi ring nakarinig ng putok ng baril.

Isinugod ang biktima sa Rosario Maclang General Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival bandang alas-11:03 ng gabi.

Nakarekober ang mga pulis ng isang improvised handgun o pen gun sa pinangyarihan ng krimen.

Isang 15-anyos na suspek ang agad na naaresto at nasa kustodiya na ng pulisya, habang patuloy na tinutugis ang isa pang menor de-edad na itinuturong sangkot.

May ilan pang hinihinalang kasabwat na kinikilala pa ng mga awtoridad.

Lumabas din sa imbestigasyon na posibleng matagal nang nakararanas ng pambu-bully ang biktima bago ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.