Tugade

Bisa ng rehistro ng bagong motorsiklo hanggang 3 taon na

Jun I Legaspi Apr 23, 2023
179 Views

PINALAWIG ng Land Transportation Office (LTO) ang bisa ng rehistro ng mga bagong motorsiklo ng hanggang tatlong taon.

Ayon kay LTO Chief Jayart Tugade alinsunod sa Republic Act 4136 at Republic Act 11032 ang mga motorsiklo na may makina o engine displacement na 201cc pataas lamang ang bibigyan ng tatlong taong bisa ng initial registration.

Pero matapos ang isinagawang pag-aaral ng LTO, nagdesisyon si Tugade na payagan na ring ang tatlong-taong bisa ng rehistro kahit sa mga motorsiklong may makina na 200cc pababa.

“It is hereby directed that initial registration of brand new motorcycles with engine displacement of 200cc and below shall be valid for three (3) years,” saad ng Memorandum Circular No. JMT-2023-2395.

“It is understood that the MVUC to be collected during the initial registration shall likewise be adjusted to cover the corresponding registration validity period,” ayon pa sa Memorandum.

Ang bagong polisiya ay bahagi ng mga hakbang ng LTO na layong pabilisin ang mga proseso at mapagaan ang mga transaksyon ng publiko sa ahensya.

“Hindi natin nakikita na magkakaroon ng problema sa roadworthiness ng mga motorsiklong may tatlong taong rehistro dahil ang mga ito naman ay bagong sasakyan,” ani Tugade.

“Naniniwala kami sa LTO na ang hakbang na ito ay makakatulong sa maraming drayber na nagpapa-rehistro ng bagong motorsiklo para magamit sa kanilang hanapbuhay o trabaho,” dagdag pa ng opisyal.

Kung pagbabatayan ang mga nakalipas na datos ng LTO, tinatayang dalawang milyon na bagong magpaparehistro ng motorsiklo na 200cc pababa ang makikinabang sa bagong polisiya na ito ngayong taon.

Alinsunod na rin sa umiiral nang panuntunan para sa pagrehistro ng iba pang mga sasakyan, matapos ang tatlong taong bisa ng initial registration ay magiging kada taon na rin ang pagpaparehistro ng mga motorsiklong may makinang 200cc pababa.

Epektibo ang memorandum sa Mayo 15 ng kasalukuyang taon.